Sabado, Nobyembre 29, 2025

Pagkaing Palestino sa hapunan

PAGKAING PALESTINO SA HAPUNAN

bukod sa shawarma, minsan lang ako makatikim
ng mga pagkaing Palestino, na tulad nito
may halong mani, makulay at mahaba ang kanin
masarap, malasa, isang ito'y nagustuhan ko

may nagtindang half-Filipino at half-Palestinian
sa rali, International Day of Solidarity
with the Palestian People, kami'y kaisa naman
nila ngayong araw ng Nobyembre Bente-Nuwebe

sa nanlibre sa amin, kami'y nagpapasalamat
nireserbang panghapunan kaya may naiuwi
sadyang nakabubusog habang may nadadalumat
na sa tahanan pala'y mayroon akong kahati

nang ako'y dumating, nagngiyawan ang mga pusa
ngunit gabi na nang kinain ko ang aking baon
kaya natira sa manok ang aking inihanda
upang mga tambay na alaga'y di rin magutom

- gregoriovbituinjr.
11.29.2025

Lunsad-aklat sa rali

LUNSAD-AKLAT SA RALI

Nailunsad din ang 40-pahinang aklat kong "Malayang Salin ng mga Tulâ ng Makatang Palestino" ngayong Nobyembre 29, 2025, International Day of Solidarity with the Palestinian People, sa pagkilos ng iba't ibang grupo kaninang umaga sa Liwasang Bonifacio sa Maynilâ.

Isa ako sa mga nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng pagtulâ. May iba ring bumigkas ng tulâ, umawit at sumayaw. Kasabay ng paglulunsad ng aklat ay binigkas ko roon ang tulang "Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, Inay" na salin ko ng tu ng makatang Palestinong si Zayna Azam, at binigkas ko rin ang isa pang tulang katha ko hinggil sa pakikibaka ng mga Palestino.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta at bumili ng munti kong aklat ng salin ng tula ng mga makatang Palestino. Mabuhay kayo!

Pakikiisa sa mga Palestino

PAKIKIISA SA MGA PALESTINO

taospuso pong nakikiisa
upang lumaya ang Palestino
laban sa sumakop sa kanila
na krimeng malala'y dyenosidyo

araw nila'y sisikat, kakamtin
ang paglaya, "Mula ilog hanggang
dagat, lalaya rin ang Palestine!"
hiyaw naming buong katatagan

pinagtibay ng United Nations
itong Nobyembre Bente Nuwebe
bilang araw ng pakikiisa
sa lahat ng mga Palestino

kaya pakikibaka'y patuloy
upang sumakop ay mapaalis
nang-aagaw ng lupa'y mataboy
dahil di sila "anak ng Diyos"

kundi mga hambog at palalo
mga demonyo dito sa lupa
Philippine, Palestine, magkaisa
para sa makataong sistema

- gregoriovbituinjr.
11.29.2025

* November 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People