Huwebes, Agosto 12, 2021

Habol ng tingin

HABOL NG TINGIN

dalawang babae ang hinahabol ko ng tingin
pag sa isang iglap ay agad nasulyapan man din
babaeng nakadyaket na maong ay aking pansin
babaeng may plakard na tangan ay naaakit din

may kakaibang dating, agad mong mahahalata
mga babaeng tigasin, may prinsipyo't adhika
sa porma pa lang nila'y talagang mapapahanga
kaya madalas mapatitig at ako'y tulala

di man maganda ang mukha o makinis ang balat
di man maganda ang tindig at ang ilong ay sarat
sa porma'y naaakit, sagisag na di mapuknat
kapara nila'y tigreng matapang, lider ng pangkat

noong binata pa'y ganyan ang tipo kong babae
ngunit di makapagpasagot ang makatang torpe
hanggang ligaw-tingin lang gayong kaytapang sa rali
buting sinubukan din, nabigo man, di na bale

wala sa kanila ang binibining naging misis
subalit pagkaakit sa kanila'y di maalis
mga babaeng anong tatag sa kanilang bihis
marahil kung umibig sila'y sadyang anong tamis

marahil dahil ako'y makatang natitigagal
na pag nakita sila sa isip na'y nakakintal
ang imahen ng babaeng tila barakong banal
na sadyang sasambahin mo't dadalhin sa pedestal

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litrato namin ni misis, kuha noong Agosto 1, 2021

Ulam ko'y mangga naman

ULAM KO'Y MANGGA NAMAN

nakakasawa nang ulamin ang mga delata
tila baga sikmura mo'y tuluyang napupurga
ang pinasok nga sa bibig ay iniluluwa na
na para ka nang naglilihi pagkat nasusuka

kaya nag-uulam din ng mangga paminsan-minsan
upang panlasa'y maiba naman sa karaniwan
may kanin pa ring palasak sa anumang kainan
malasa rin ang bagoong na sadyang kainaman

habang pinagninilayan ang sunod na gagawin
habang iniisip paano iyon tatapusin
habang nasa diwa ang pagtupad sa adhikain
habang sakit ng kalamnan ay pinisil-pisil din

aba'y manamis-namis pa ang manggang manibalang
sa sarap dama'y tila sa ere palutang-lutang
animo'y nananaginip, diwa'y umiilandang
anong wagas ng pagsinta sa natatanging hirang

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

Huwag nang pondohan ang fossil fuel

HUWAG NANG PONDOHAN ANG FOSSIL FUEL

teyoretikal at anong bigat ng panawagan
na "No to fossil fuel finance! Yes to climate finance!"
kung di mo aaralin ay di mauunawaan
upang isyu'y mas maintindihan ng taumbayan

susubukan kong ipaliwanag ang mga ito
sa iba'y maibahagi ang mahalagang isyu
nais kong pagaanin sa pamaraang alam ko
ipaliliwanag ko sa tula para sa tao

kumbaga sa usok na sadyang nakasusulasok
ginagastusan ng kapitalista'y pulos usok
kalikasa'y balewala basta tubo'y pumasok
magkadelubyo man sa kita pa rin nakatutok

kahit na nakasisira ng ating kalikasan
nagpapadumi sa hangin, polusyong nananahan
at kaylaki ng epekto sa ating kalusugan
greenhouse gases pa'y sa papawirin nagsalimbayan

fossil fuel ang tawag sa pinagsusunog nila
sapagkat galing sa fossil na nabuo noon pa
mula sa labi ng mga organismong wala na
tulad ng dinasor sa usaping geolohika

habang patuloy lang ang malalaking korporasyon
sa pagpondo ng mga enerhiyang ibinabaon
lang ang mundo sa kapariwaraan, ito'y hamon
sa mga gobyernong gawin na ang tamang solusyon

kaya tigilan na ang pagpondo sa fossil fuel
ng coal plants na pagbuga ng usok ay di mapigil
ng crude oil o ng petrolyong gasolina't diesel
ng natural gas na ang pagsunog ay di matigil

mas dapat pondohan ang pangangalaga sa klima
mas pondohan ang pagpigil sa pagbuga ng planta
ng coal at paggamit ng kerosina't gasolina
mas dapat pondohan ang kinabukasan ng masa

unahin naman ang kapakanan ng mamamayan
at kinabukasan ng nag-iisang daigdigan
ang "No to fossil fuel finance! Yes to climate finance!"
sa maikling tulang ito sana'y naunawaan

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Paalala sa nagyoyosi

PAALALA SA NAGYOYOSI

paskil na paalala'y huwag pong balewalain
dahil bawat dumi ninyo'y naglilinis ang Admin
aba'y napakasimple lang po ng kanilang bilin
yosi'y huwag itaktak sa sulok nang di mangitim

ang pakiusap nila'y "konting disiplina lang po"
kayo bang naninigarilyo'y di napapanuto?
ang inyong tinaktak sa dumi'y sila ang hahango
nang opisina'y gumanda't di mangamoy, bumaho

gumawa kayo ng sariling ashtray o titisan
kung saan ninyo itataktak ang upos na iyan
sa mga nagyoyosi disiplina'y kailangan
aba'y kailangan pa bang isaulo pa iyan?

sistemang bulok nga'y nais nating palitang sadya
iyan pa kayang upos ang di maitapong tama
sa simpleng pakiusap nila sana'y tumalima
baka ginawa ninyo'y ibalik sa inyong kusa

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa tanggapan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) sa Navotas

Pasasalamat


"Everyone you meet has something to teach you." - quotation mula sa fb page na "I Love Martial Arts"

PASASALAMAT

Salamat sa lahat ng nakakasalubong
at nakasalamuha sa daan at pulong
lalo't sama-samang hinarap ang daluyong
upang sa bawat pakikibaka'y sumulong

Sa anumang panganib na ating sinuong
ay kapitbisig tayong sadyang tulong-tulong
di nagpapatinag kahit ito'y humantong
sa rali sa lansangan, o kaya'y makulong

Salamat sa inyong naibahaging dunong
mula sa kwento, danas, hapdi, payo't bulong
para sa hustisya'y di tayo umuurong
hangga't lipunang makatao'y sinusulong

- gregoriovbituinjr.
08.12.2021

* litrato mula sa fb page ng "I Love Martial Arts"