Biyernes, Oktubre 23, 2015

Kalikasang inuuk-ok

KALIKASANG INUUK-OK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

usok na nakasusulasok
mga plastik na di mabulok
pagkasira ng mga bundok
at nakakalbo na ang tuktok
dagat na sa basura'y lugmok
pagmimina'y matinding dagok

tayo ba'y nagiging marupok
pagkat problema'y di maarok

pag ito'y umabot sa rurok
saka lang ba tayo lalahok
sa paglutas sa pagkabukbok
ng kalikasang inuuk-ok
ng sistemang sa tubo'y hayok
na sa mundo'y nagpapagapok

Asawa'y pakamahalin

ASAWA'Y PAKAMAHALIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kaysakit mo nang magsalita
ang asawa'y pinaluluha
kamao'y laging nakaamba
inibig mo'y kinakawawa

noon, ikaw ang maginoo
na di kakitaang totoo
ng pagiging basagulero
at sa babae'y may respeto

subalit ano ang nangyari
aburido sa pintakasi
di na ba nakakapagtimpi
sa suliraning anong dami

panahon ng laksang ligalig
relasyon ninyo'y lumalamig
ang namumutawi sa bibig
ay tunay ngang nakatutulig

pag-aasawa'y isang landas
na payapa ang binabagtas
huwag mong daanin sa dahas
ang suliraning di malutas

asawa mo'y pakamahalin
na katuwang sa suliranin
huwag siyang balewalain
pagkat kayo'y iisa pa rin