Sabado, Agosto 22, 2015

Kaylakas ni Ineng

KAYLAKAS NI INENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Ineng ang iyong pangalan, minamaliit
akala nila'y ineng ka pa lang, malinggit
subalit kaytindi't kaylakas humagupit
tila dinidistrungka ang bahay sa haplit
ibinubunton sa amin ang iyong galit

tila ba musikang umiihip ang hangin
umiindak ang mga dahon sa paningin
ang poot mo ba, Ineng, ay dahil sa amin
kami'y hinahampas mo nang kami'y magising
pagkat pawang pabaya sa paligid namin

kinikilala ko, Ineng, ang iyong lakas
na ang bawat tilamsik ay nanghahalibas
tila ba poot mo'y iyong inilalabas
upang maghiganti sa taong mararahas
sa kalikasan, amin itong nawawatas

sige, lumuha ka pa, Ineng, iluha mo
nang angkin mong poot ay madama ng tao
na sira na ang kalikasan at ang mundo
na tungkulin naming pangalagaan ito
baka dahil sa iyo, tao na'y matuto

- habang nananalasa ang bagyong Ineng sa ating bansa, 22 Agosto,2015

Sa pag-inom ng kapeng barako

SA PAG-INOM NG KAPENG BARAKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa umaga, kapeng barako'y iniinom lagi
habang pinagninilayan ang bawat niyang mithi
pag kape'y naubos sa kaiisip ay madali
niyang ilalaga pa ang batangal sa takure

marubdob niyang nasa'y tila baga dumadalaw
sa kanyang puso'y hinehele ng inuulayaw
habang panay ang lagok ng barakong tumitighaw
sa animo’y di-matingkala niyang pagkauhaw

nakatalungko siyang nakatingala sa ulap
tila baga naroroon napapunta ang hanap
makikita kaya sa itaas ng alapaap
yaong pagkasabik na sa loob niya'y hagilap

buhay na buhay pa ang alindog ng minumuni
nagdiriwang na sa haraya’y di pa mapakali
subalit napapangiti sa paglagok ng kape
pagkat kaysarap ng lasa't siya’y di nagsisisi

Talasalitaan:
* alindóg - kariktan
* batángal - latak ng kapeng barako
* harayà - imahinasyon
* hinehéle - dinuduyan
* lagók - inom
* talungkô - isang estilo ng pag-upo
* tigháw - napawi ang uhaw