Linggo, Oktubre 5, 2014

Pagtahak sa Lungsod ng Pitong Lawa

PAGTAHAK SA LUNGSOD NG PITONG LAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

patuloy kaming naglakad, walang makasawata
napapagod na hindi, marating lang ang adhika
tahak ang tinaguriang lungsod ng pitong lawa
isang lawa ang narating sa lakad na mahaba

mga lawang Bunot, Muhikap, Pandin, Kalibato
nariyan din ang Palakpakin, Sampaloc, at Yambo
sinisimbolo ng mabunying lungsod ng San Pablo
nawa'y alagaan, di hayaang dumumi ito

tila may natatagong alamat ang pitong lawa
itanong kay Dian Masalanta, isang diwata
bakit pito ang lawa, ito ba'y sadyang nilikha
pagkat tao rito'y kaybuti at di isinumpa

mga paa'y ipinadpad sa lungsod ng San Pablo
at sinalubong kaming may ngiti ng mga tao
may sumabay pa sa aming tagaroon at dayo
at nagpahayag ding sawa na sila sa delubyo

ang San Pablo'y aming tinahak sa kaibuturan
upang ihatid ang Climate Justice na panawagan
nawa pitong lawa ng lungsod ay di simbolo lang
pagkat tumugon na rito ang buong mamamayan

- MSC Institute of Technology, Brgy. San Gabriel, San Pablo City, Laguna, Oktubre 5, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.