ANG MGA PUSAKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
ganda ng daigdig ay pinapaslang
ng mga pusakal na puso'y halang
kay-itim na ng mga kailugan
basurahang plastik ang karagatan
pulos usok sa buong kalangitan
pulos dapog ang buong kalawakan
binutas ang bundok sa pagmimina
ang bansa'y basurahan ng Canada
sa polusyon, di ka na makahinga
kaytinding usok sa mga pabrika
binabaha na ang mga kalsada
dahil sa mga plastik na bumara
kayraming pinagpuputol na puno
ginagawang troso para sa tubo
lumulubog na ang maraming pulo
mundo'y sira na sa maraming dako
anong ginawa ng mga pinuno
kalikasan ba'y saan patutungo
pagkasira ng mundo'y halukipkip
sa bisig at puso kong naninikip
daigdig ba'y atin pang masasagip
sana, ito'y isa lang panaginip
magigising tayong ang nasa isip
mundong kayganda yaong nalilirip
panahon na upang tao'y umangal
sinong sumira sa mundong pedestal
anong parusa sa pangit na asal
na yumurak sa kagubatang basal
sinong darakip sa mga pusakal
na nagdala sa mundo sa marawal