Huwebes, Pebrero 3, 2022

Kabayo muna bago kalesa

KABAYO MUNA BAGO KALESA

huwag paunahin ang kalesa
pagkat dapat kabayo ang una
kausapin mo muna ang masa
bago ka magbuo ng alyansa

ito nama'y akin lang narinig
sa usapan ng magkapitbisig
nang sa gawain, di matigatig
hakbang baytang-baytang ang ulinig

kaya huwag laging tira-pasok
palaging magsuri nang maarok
ang pagpalit sa sistemang bulok
kung dukha'y ilalagay sa tuktok

ang kalesa'y hila ng kabayo
pagkat iyan ang takbo sa mundo
kabayo'y di rin tulad ng awto
na makaaatras pag gusto mo

ah, kailan ka ba nakakita
na kabayo'y sunod sa kalesa
unawain ang diyalektika
at gamiting wasto sa taktika

- gregoriovbituinjr.
02.03.2022

* litrato mula sa google

Tubero

TUBERO

manginginom nga ba ng tuba ang mga tubero
tulad ng nambababae, tawag ay babaero
ah, tubero'y dalubhasa sa pagkabit ng tubo
ng tubig o nagkukumpuni pag may tagas ito

paskil sa poste ng kuryente'y makikita riyan
paano kumontak ng tubero pag kailangan
at di na lang sa classified ads na binabayaran
kung saan pinaskil, malapit lang ang mga iyan

dagdag pa sa paskil ng dalubhasa't may diskarte
pag kailangan mo ng electrician o carpentry,
tiles setter o renovation, tingnan mo lang sa poste
kung repair of leak pipes, malapit lang sila sa tabi

malaking tulong na ang tulad nilang dalubhasa
na trabaho'y di pormal ngunit sadyang matiyaga
na dumidiskarteng tunay lalo na't walang-wala
na kung di kikilos, gutom tiyak ang mapapala

ang pagpapaskil sa poste'y pamamaraan nila
baka may magpagawa't mapakain ang pamilya
saludo sa mga tuberong wala sa pabrika
na sa pag-aayos ng tubo'y doon kumikita

- gregoriovbituinjr.
02.03.2022

Ligaw na halaman

LIGAW NA HALAMAN

tumutubo rin kahit saan
ang mga ligaw na halaman
di lang sa mga kagubatan
kahit sa sementadong daan

nasa kanal pa nga ang isa
sa nadaanan kong kalsada
minasdan ko't kinodakan pa
talagang nakahahalina

siya man ay halamang ligaw
nabuhay siya't di pumanaw
binhi'y lumalago't may araw
alay ay magandang pananaw

sa atin, ibig ipabatid
na talagang di nalilingid
na siya'y nabuhay, kapatid
at sa dilim ay di nabulid

kaya ngayon ay naninilay
sa mundong may mabuting pakay
sementadong lungsod mang tunay
solo man ay kayang mabuhay

- gregoriovbituinjr.
02.03.2022