Biyernes, Hunyo 12, 2020

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

imbes pekeng araw ng paglaya ang gunitain
World Day Against Child Labor ang alalahanin
pagkat kung Acta de Independencia'y babasahin
sa Kastila'y lumaya, sa Kano'y nagpailalim

kaya ninanais ko pang tuwing Hunyo a-dose
ipaglaban ang mga bata bilang estudyante
pagkat mga batang nagtatrabaho na'y kayrami
sa bansang itong pati bata'y agad naaapi

dapat ang mga bata'y naroon sa paaralan
at di nagkakalkal ng anuman sa basurahan
upang maibenta ang kinalakal na anuman
nang makakain lang ang pamilyang nahihirapan

di sila dapat maging mga batang manggagawa
pagkat kahit sa sahod, bata silang nadadaya
nagtatrabahong laging mura ang lakas-paggawa
pagsasamantala sa kanila'y dapat mawala

karapatan ng bata'y dapat laging irespeto
maglaro, mag-aral, maging bata ang mga ito
tuwing Hunyo a-dose, ikampanya nating todo
"Stop Child Labor Now!" ang isigaw natin sa mundo

- gregbituinjr.
06.12.2020

Pabili po ng potasyum

pampatibay ng buto ang potasyum, tandaan mo
kaya kumain ng saging upang lumakas tayo
tingnan mo ang mga matsing, matatatag ang buto
kahit na napaglalangan din sa pagiging tuso

nalaman ko ito sa naospital na kasama
di nakalakad, sa potasyum daw ay kulang siya
mayaman daw sa potasyum ang saging, sabi nila
kaya pagkain nito'y aking ikinakampanya

palakasin ang katawan, kumain ng potasyum
mabigat din sa tiyan at pampawala ng gutom
aba'y kaysarap nguyain habang bibig pa'y tikom
mga sakit mo'y bakasakaling agad maghilom

balat ng saging ay pampatibay din ng pananim
lalo na't marami rin itong potasyum na kimkim
ilagay mo sa tanim kahit bunga'y anong lalim
kung namumulaklak ito'y mayroong masisimsim

potasyum na ang tawag ko sa saging na lakatan,
tomok, saba, senyorita, morado, o latundan
sabi ko sa tindera, potasyum po'y kailangan
pabili po ng potasyum, kahit isang kilo lang

- gregbituinjr.

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo
tila di nila malaman kung saan itatago
ang tuyong natuka, baka maagaw pa't maglaho
minsan ko lang kasi silang mapakain ng tuyo

nakakatuwang pagmasdan ang kanilang takbuhan
nagsawa ba sa patuka ang inaalagaan?
o ispesyal ang tuyong nais nilang malasahan?
na natira ko lamang nang kanina'y mag-agahan

inulam ko'y tuyo, di kinain ang buong ulo
hinaluan ko ng tutong ang patukang bigay ko
patukang may kanin ay kinain ng mga ito
ngunit di na pinansin nang sa tuyo'y magkagulo

ang buhay ng sisiw ay nasusubaybayan na rin
mula itlog pa sila't nilimliman ng inahin
hanggang maging sisiw sila't bigyan ng tutukain
at panoorin lang sila'y may bagong tutulain

- gregbituinjr.
06.12.2020