Linggo, Hulyo 18, 2021

Kung manalasa muli ang unos

KUNG MANALASA MULI ANG UNOS

titigan mo ang langit, animo'y bagong umaga
ang kariktan ng paligid ay kahali-halina
puti ang mga ulap, ang panahon ay kayganda
ngunit maya-maya'y nangitim, handang manalasa

nagbabadya ang unos, matalim ang mga titig
ng langit, animo'y luluha, ramdam mo sa pintig
kung sakaling magbaha, tiyak ang pangangaligkig
kaya dapat maging alerto sa lagim at lamig

dapat lang paghandaan ang paparating na bagyo
baka ihahatid nito'y ang lagim ng delubyo
para bang digma, sa bagyo'y mapapalaban tayo
kaya pamilya'y unahing sagipin sa ganito

taon-taon na lang may nakakasagupang unos
na madalas na dinudulot ay kalunos-lunos
ang ngitngit ng kalikasan pag tuluyang nang-ulos
mga nasalanta'y parang kandilang nauupos

kaya paghandaan natin ang panibagong digma
maging malinaw ang isip, huwag matutulala
at kung kinakailangan, magtulungan ang madla
pinakamatatag na payo'y dapat maging handa

- gregoriovbituinjr.

Samutsaring balita

SAMUTSARING BALITA

samutsaring balita
ang pahatid sa madla
datapwat ano pa nga
minsan di makahuma

binabasa ang ulat
na kung saan nagbuhat
marami nga raw kalat
sa ating sapat't dagat

trapong nakipagtalo
sa kapwa pulitiko
baka kakandidato
kung ano'y binabato

mga balitang COVID
na ipinababatid
lunas ba'y ihahatid
na di dapat malingid

mga kwentong artista
at nagseseksihan pa
senador, kongresista
may nagawang batas ba

apektado ang madla
sa maraming balita
huwag lang matulala
kung sa ulat magitla

ang trapong laging palso
ay huwag nang iboto
kung maupo sa pwesto
kawawa ang bayan ko

balita'y nararapat
tunay ang isiwalat
na kumbaga sa sugat
may lunas na pang-ampat

- gregoriovbituinjr.

Kung tutula ang tulala

KUNG TUTULA ANG TULALA

pansin nila, lagi na lang akong tulala
at sa kalangitan laging nakatunganga
hinihintay bang mga mutya'y magsibaba
o inaabangan ang magandang diwata

ako'y manunulang wala sa toreng garing
na sa bawat oras animo'y nahihimbing
upang sulatin ang tulang tumataginting
kahit wala mang salaping kumakalansing

naghahabi ng mga saknong at taludtod
binibilang ang tugmang nagpapakapagod
upang magagandang layon ay itaguyod
at sa marikit na tula, masa'y malugod

bagamat itong abang makata'y tulala
ay di inaagiw ang isip na tutula
upang maihatid ang inspirasyon sa madla
tungo sa mabuting layunin at adhika

- gregoriovbituinjr.