Martes, Marso 9, 2021

Itaguyod ang katotohanan, huwag matakot

Itaguyod ang katotohanan, huwag matakot

maaaring panahon ngayong takot pa ang bayan
ngunit di lagi ang takot, may panahong lalaban
"Makibaka! Huwag Matakot!" ay paninindigan
ng mga tulad naming aktibista sa lansangan

kaya laging namimihasa ang mga kurakot
dahil tango lang ng tango ang bayang natatakot
yaong mga pumatay pa ang may ganang manakot
kahit na ang legal na batas ay binabaluktot

sa dagat man ng kasinungalingan ay malunod
laot mang malalim ay sisisid, tayo'y susugod
katotohanan ay ipagtatanggol, itaguyod
upang mga lingkod-bayan ay tunay na maglingkod

itaguyod ang katotohanan, huwag mangamba
at makibaka para sa panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Turukan ang bu-ang

Turukan ang bu-ang

dapat lang turukan ng kababaihan ang bu-ang
dahil sa ginawang terorismo sa sambayanan
dahil atas sa kanyang mga tuta'y karahasan
gumaling pa kaya iyang bu-ang pag naturukan?

may toyo sa ulo siyang nag-atas ng pagpatay
ng walang proseso't kayraming pinaluhang nanay
may topak sa ulo kaya lagi nang naglalaway
uhaw na uhaw sa dugo ng akala'y kaaway

sa duguang kamay ng halang, kayraming nasawi
lalo't nakaupo pa ang baliw na naghahari
katarunga'y nakapiring, hustisya'y tagpi-tagpi
ngunit panlipunang hustisya'y dapat ipagwagi

kababaihan, magkaisa na't kumilos kayo
laban sa karahasa't terorismo ng estado
ipagtanggol ang dignidad, karapatang pantao
kung marapat, patalsikin ang namumunong gago

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Puksain ang virus


Puksain ang virus

nakapagngangalit ang ginagawang kataksilan
ng lintik na namumuno sa dignidad ng bayan
lalo't terorismo ang kanyang naging patakaran
at pinauso ang kawalang proseso't pagpaslang

sa kanyang rehimen, ang masa'y kaytagal nagtiis
lalo't pangulo'y walang pakialam sa due process
sabihing nanlaban, katarungan ay tinitikis
atas pa'y kung walang baril, lagyan ng mga pulis

dahil namumuno'y bu-ang, dapat siyang turukan
baka sa atas na pagpaslang ay mahimasmasan
baka dati na siyang nagtuturok kaya bu-ang
kaya paggaling niya'y huwag na nating aasahan

sige, kababaihan, pangunahan ang pagkilos
nang mawala ang virus at ang pangulong may virus
ng katopakan sa ulong naglilitawang lubos
katibayan na ang kanyang mga salita't utos

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Tinig ng Bagong Silang

Tinig ng Bagong Silang

di mo man marinig ang kanilang sinasalita
ay dama mo ang ngitngit sa kanilang puso't mukha
tila walang problema subalit natutulala
ngingiti pag kaharap ngunit puso'y lumuluha

at sa pagkilos nga sa Araw ng Kababaihan
ay nagsalita na rin sila tangan ang islogan:
"Karahasan at pang-aabuso sa kababaihan,
Wakasan!" ito ang sigaw ng ZOTO-Bagong Silang

nag-uumalpas sa plakard at tarpolin ang tinig
na kaytagal napipi, at ngayon ay nang-uusig
dinggin natin ang panawagan nila't pahiwatig
at sa kababaihan ay makipagkapitbisig

hangad nating aktibista'y lipunang makatao
silang api'y samahan natin tungong pagbabago

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Ang nadaanang pinta sa pader

Ang nadaanang pinta sa pader

may pinta sa pader na nalitratuhan ko lamang
na nakakaasar para sa may kapangyarihan
ngunit kumikiliti sa diwa ng sambayanan
"wala nang baboy sa palengke, nasa Malacañang"

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021