Biyernes, Abril 24, 2020

Huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka

huwag kang lumabas ng bahay, baka barilin ka
huwag kang bumili ng bigas, baka barilin ka
huwag maghanap ng pagkain, baka barilin ka
huwag ka nang magsalita, babarilin ka nila
huwag hayaang magutom ang pamilya, ingat ka

- gregbituinjr.
04.24.2020

Isa akong loner

isa akong loner, anila'y may sariling mundo
lumaking laging nag-iisa, introvert daw ako
mundo'y pagsusulat, diwata ang kahalubilo
sa loob ng panitikan ang buhay ng tulad ko

hanggang napag-isip ko, ganito lang ba ang buhay
lumabas ako sa kahon at aking napagnilay
nais kong mag-ambag sa bayan, buhay ay ialay
hanggang piliin ko nang maging tibak habambuhay

isa akong loner, sanay kumilos nang mag-isa
tungkulin ay ginagawang buong tapat sa masa
kahit paminsan-minsan ay dinadalaw ng musa
ng panitik na naging kaulayaw ko noon pa

isa akong loner, sa bayan ko'y nababagabag
anong tulong ba ang ibibigay ko't iaambag
sabi ko sa musa, prinsipyo ko'y di matitinag
basta ginagawa ko'y tama't walang nilalabag

maraming salamat kung ako'y naunawaan din
inasawa ng magiliw ang loner na patpatin
sana'y maunawaan din ang prinsipyo kong angkin
na kung mamamatay ako'y yakap-yakap ko pa rin

- gregbituinjr.

Mapuputing ulap

pinagmamasdan kong muli ang mapuputing ulap
at muling naghahabi ng mga bunying pangarap
gayong sa lockdown ay pagkalugmok ang nalalasap
tila pati sa sarili, ako na'y nagpapanggap

nagpapanggap na kunwari ako'y malakas pa rin
kahit dama'y panghihina ng katawang patpatin
na ang isang sakong bigas ay kaya pang buhatin
na sampung kilometro'y kayang-kaya pang lakarin

matatag pa rin sa niyakap kong paninindigan
lalo na't ako'y wala namang layaw sa katawan
tumutula upang manatili ang katinuan
nilalaro'y sudoku, inaaliw ang isipan

langit na'y nagdidilim, may paparating  na unos
at ang mapuputing ulap animo'y nauubos
paano na haharapin itong paghihikahos
sa gitna ng kwarantinang sa bayan nakayapos

- gregbituinjr.

Naglalaro ang mga manok

tinititigan kong naglalaro ang mga manok
animo'y nagbibiruan silang di mo maarok
pinagmamasdan silang ang dama ko'y pagkalugmok
tila ba bawat kalamnan ko'y nais magsiputok

kailan ba matatapos ang kwarantinang ito
nang makahanap ng gawaing kumikita ako
mahirap ang walang kita sa sitwasyong ganito
pakiramdam ko sa sarili, ako na'y perwisyo

isa lang akong pabigat sa pamilya ng byenan
walang maiambag upang magkalaman ang tiyan
lagi'y lampaso, linis, laba, maghugas ng pinggan
paikot-ikot na lang, wala nang ambag sa bayan

sana'y matapos na ang lockdown na di na mabata
nais kong muling magboluntaryo't bagong simula
muling gagampanan ang tungkuling mapagpalaya
at muling makibaka laban sa mga kuhila

- gregbituinjr.