Sabado, Mayo 10, 2025

Tahimik na pangangampanya sa ospital

TAHIMIK NA PANGANGAMPANYA SA OSPITAL

naisuot ko lang itong t-shirt kagabi
na bigay sa akin sa Miting de Avance
nina Ka Luke Espiritu at Ka Leody
de Guzman na Senador ng nakararami

ngayon na ang huling araw ng kampanyahan
at tahimik akong nangangampanya naman
bagamat bantay kay misis sa pagamutan 
habang siya'y nasa banig ng karamdaman

dapat magwagi ang dalawang kandidato 
upang may kasangga ang dalita't obrero 
bagong pulitika na ito, O Bayan ko
lilong dinastiya't trapo'y dapat matalo

sa pasilyo ng ospital naglakad-lakad 
sa kantina o parmasya ay nakaladlad
itong t-shirt, sa billing man ay magbabayad
sa physical therapy mang pawang banayad

dahil huling araw na, dapat may magawa
makumbinsi ang kapamilya, ang kadukha
kapuso, kumpare, sa layuning dakila
ipanalo ang kandidato ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

Tatlumpung segundong katahimikan, ani Ka Leody

TATLUMPUNG SEGUNDONG KATAHIMIKAN, ANI KA LEODY

tatlumpung segundo ang hiningi ni Ka Leody
kaunting katahimikan sa Miting de Avance
upang alalahanin ang pagpaslang sa Supremo
dahil kinabukasan ang anibersaryo nito

salamat, Ka Leody, sa iyong sinabing iyan
paggunita sa kinakalimutang kasaysayan
na sa tatlumpung segundo'y nakiisa ang madla
pati na nagsidalong manggagawa't maralita

kaarawan ng Supremo tuwing Nobyembre Trenta
ay sasabayan natin ng pagkilos sa kalsada
ngunit araw ng pagpaslang, bihirang gunitain
kagabi lang, buti't nasabi ni Ka Leody rin

maraming salamat sa paalala niyang iyon
sobra na ang kataksilan, lalo't mag-eeleksyon
burgesyang nagpapatay sa Supremo'y nararapat
mawala pati dinastiya'y mangatalo lahat

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

* naganap ang Miting de Avance nina #21 Ka Leody de Guzman at #25 Luke Espiritu para Senador sa Liwasang Bonifacio, Maynila, Mayo 9, 2025, kasabay ng ika-150 kaarawan ni Gregoria "Oriang" de Jesus, asawa ng Supremo at Lakambini ng Katipunan

* Mayo 10, 1897 nang pinaslang ng tropang Aguinaldo ang magkapatid na Procopio at Gat Andres Bonifacio sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite

Sariling magulang, kinatay ng anak

SARILING MAGULANG, KINATAY NG ANAK

dalawang magkaibang balita
na sadya namang nakabibigla:
nanay, anak pa yaong sumaksak
mag-asawa, pinatay ng anak

anak na walang utang na loob
sa isip anong nakakubakob
mental health problem ba'y masisisi
kung bakit ang ganito'y nangyari

mga suspek kaya'y nakadroga
kaya magulang ay biniktima
sa Saranggani't Albay naganap
ang mga pangyayaring kaysaklap

anang ulat, isa'y may depresyon
nang iniwan ng asawa iyon
ang isa'y posibleng naingayan
nang magising, ina'y tinarakan

para bang batas ay inutil
paanong ganito'y mapipigil
baka di sapat ang Mental Health Act
lalo't nangyari'y nakasisindak

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Sa ika-128 anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

SA IKA-128 ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO

pag-alala sa kamatayan ng Supremo
at ating bayaning Gat Andres Bonifacio
kasama ng kapatid niyang si Procopio
pinaslang sila ng pangkating Aguinaldo

kaya inaral ko ang ating kasaysayan
na sa wari ko'y pilit kinakaligtaan
bakit kapwa Katipunero ang dahilan
ng pagpaslang sa Supremo ng Katipunan

Mayo a-Nwebe, kaarawan ng maybahay
na si Oriang, Mayo a-Dyes, siya'y pinatay
ng mga taksil sa ating bayan, niluray
pati kanyang pagkatao, nakalulumbay

marahil si Oriang siya na'y hinahanap
sa kaarawan nitong dapat ay kalingap
kinabukasan pala'y napatay nang ganap
hanggang huli'y di man lang sila nagkausap

taaskamaong pagpupugay kay Gat Andres
sa adhikain nila't pakikipagtagis
upang lumaya ang bayan, di na magtiis
sa lilong burgesya't dayong mapagmalabis

- gregoriovbituinjr.
05.10.2025