Huwebes, Mayo 24, 2018

Tumatanggap din ako ng labada

TUMATANGGAP DIN AKO NG LABADA

laba-laba rin ng mga damit paminsan-minsan
panahon din iyon ng pagninilay sa kawalan
tulad ng panahon ko sa paghuhugas ng pinggan
pagluluto ng gulay o sinaing na tulingan

ang bawat paglalaba'y panahon ng pag-iisa
sinusuyo sa bula ang diwatang anong ganda
tahanang kinakatha'y paraiso ang kapara
nagsikapit na agiw sa diwa'y nangungumusta

pagsasabon ng damit ay nangangarap ng gising
pagkuskos ng pantalon, tshirt, at kwelyo'y maigting
magkukula ng puti upang linis ay tumining
magpalo na ng labada huwag lamang mag-hazing

magbanlaw at tiyaking nilabhan ay anong bango
sa sampayan ay isa-isahing isampay ito
tumatanggap din ako ng labada kada linggo
upang kumita't makakatha ng kung anu-ano

- gregbituinjr.

Dapat mong gawin ang tama

dapat mong gawin kung alam mong ito'y tama
subalit kung ang tama'y di mo ginagawa
alam mo bang ikaw mismo'y nagkakasala
tila nasusunog ka na't kasumpa-sumpa

dapat lang tayong makialam, kaibigan
ating ipaglaban ang ating karapatan
magsikilos tayo, ang tama'y ipaglaban
upang bumuti ang kalagayan ng bayan

- gregbituinjr./052318
- ang tula ay batay sa sermon ni Fr. Robert Reyes, kinatha at binasa ng may-akda sa isang aktibidad sa liwasang Gat Amado V. Hernandez sa harap ng simbahan ng Sto. Nino sa Tondo