Linggo, Hunyo 30, 2024

Magandang aktres, kinasuhan sa Labor

MAGANDANG AKTRES, KINASUHAN SA LABOR

may kaso sa National Labor Relations Commission
ang isang kilalang aktres sapagkat kinasuhan
ng dati niyang driver, nabalitaan ko iyon
sa pahayagang Bulgar, talagang binulgar naman

kaso'y di pagbabayad ng night shift differential pay
overtime pay, holiday pay, thirteenth month pay, harassment
illegal dismissal, at payment of separation pay
at ang matindi pa rito ay ang kasong maltreatment

o baka kaya isa lang itong gimik sa Showbiz
upang mapag-usapan ang mga artistang sikat
o kung totoo iyang balita't di isang tsismis
ang obrerong naapi'y talagang dapat mamulat

nagbulgar kasi'y ang kinasuhan ng cyberlibel
ng nasabing aktres, tila ginagantihan siya
naghahanap ng butas, nanggigigil, at marahil
upang iatras ng aktres ang kasong isinampa

gayunman, hustisya'y dapat kamtin ng manggagawa
ngunit sa kapitalismo, ito ba'y matatamo?
makukulong ba ang aktres na sa kanya'y nandaya?
o isang malaking palabas lang lahat ng ito?

- gregoriovbituinjr.
06.30.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 29, 2024, pahina 1 at 6

Pahinga rin si alaga

PAHINGA RIN SI ALAGA

matapos kumain, tahimik na si Lambing
nagpapahinga ring animo'y nahihimbing
ngunit konting kilos ko siya'y nagigising
sadyang alerto, baka may dagang dumating

aba'y ganyan lang kami ng aming alaga
siya'y pahinga habang ako'y kumakatha
ng mga paksang nakaukilkil sa diwa
na sa kwaderno'y sinusulat kong may tuwa

may kwento akong isang pusa ang bayani
sa aking banghay, may insidenteng nangyari
hinoldap ay isang magandang binibini
subalit kinalmot ng pusa ang salbahe

ang binibini pala ang nag-aalaga
at nagpapakain sa palaboy na pusa
mga kuting nito'y pinapakaing sadya
kaya ang pusang ito'y bayani sa madla

titigan ang pusa't may magagawang kwento
maaari ring sila'y kinakausap mo
sa literatura'y kagiliw-giliw ito
tulad ng sikat na pabula ni Aesopo

- gregoriovbituinjr.
06.30.2024

Alalawa, lamira at pakakak

ALALAWA, LAMIRA AT PAKAKAK

madalas, sa palaisipan ko lang nalalaman
ang maraming salitang di ko halos maunawa
ang alalawa, lamira at pakakak na iyan
ay di agad natatalos niring aba kong diwa

dahil sa hilig kong magsagot ng palaisipan
ay aking nabatid ang kahulugan ng salita
na marahil mababasa natin sa panitikan
ano ba ang lamira, pakakak, at alalawa

iyang pakakak pala'y tambuli ang kahulugan
habang lamira kapag ikaw ay nanggigitata
marahil mga salitang mula sa lalawigan
tulad ng gagamba na tawag din ay alalawa

salamat sa salitang ngayon lang naunawaan
may magagamit tayong salitang bago o luma
bago sa akin subalit luma na pala iyan
na nais ding magamit sa kwento, tula't pabula

- gregoriovbituinjr.
06.30.2024

Sa unang krodword:
25 Pahalang: Gitata
Sa ikalawang krosword:
14 Pahalang: Gagamba
35 Pahalang: Tambuli
* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 2, 2024, pahina 10

Buong buwan ang nasagutan

BUONG BUWAN ANG NASAGUTAN

Sudoku at Word Connect ay kinagiliwan
app game sa cellphone na laging sinasagutan
iniscreenshot ko ang ulat ng buong buwan
ng Hunyo ngayong taon bilang katunayan

pinakapahinga ko na ang mga game app
habang sa mga gawain puspusang ganap
subalit pag pulong na'y iba na ang gagap
kundi ang pagkilos sa lipunang pangarap

bukod pa riyan, aba'y mayroon ding krosword
sa mga binibiling pahayagang tabloid
na wikang Filipino'y itinataguyod
upang di naman sa kawalan nakatanghod

pagpupugay sa mga nag-imbento nito
upang may mapaglibangan ang mga tao

- gregoriovbituinjr.
06.30.2024