Miyerkules, Agosto 4, 2021

Pahimakas kay Neil Doloricon

PAHIMAKAS KAY NEIL DOLORICON

taas-kamaong pagpupugay kay Neil Doloricon
sa kanyang mapagpalayang sining noon at ngayon
kapuri-puring pagguhit na kanyang dedikasyon
upang ilarawan ang sa bayan ay aping seksyon

nang mabasa sa balita ang kanyang pagkamatay
ako'y nalungkot subalit naritong nagpupugay
gayunman, marami siyang pamanang anong husay
mapagmulat, palaban, may hustisyang tinataglay

may pamanang naiwan sa tanggapan ng paggawa
na kanyang iginuhit, siya mismo ang lumikha
hinggil iyon sa aklasan ng mga manggagawa
isang alaala sa kanyang husay sa pagkatha

pinamagatan iyong "Tunggalian sa Piketlayn"
na iyong makikita sa tanggapan ng Bukluran
paglalarawan sa obrerong nakikipaglaban
upang kamtin ang asam na hustisyang panlipunan

muli, Neil Doloricon, taospusong pagpupugay
sayang at di kita nakasama sa paglalakbay
ang sining mo't ang tula ko sana'y nagkaagapay
upang itaguyod ang hustisya hanggang tagumpay

- gregoriovbituinjr.
08.04.2022

* Ang nasabing sining ni Neil Doloricon, na nasa tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang
Pilipino (BMP), ay may petsang 1987
* Neil Doloricon (1957-Hulyo 16, 2021)
* Sanggunian ng ilang datos:
http://artasiapacific.com/News/ObituaryNeilDoloricon1957to2021
https://www.rappler.com/life-and-style/arts-culture/artist-neil-doloricon-dies

Wagi sa Math Olympiad 2022

WAGI SA MATH OLYMPIAD 2021

mula sa Olympics na mga medalya'y nakamit
Hidilyn Diaz at Nesthy Petecio ang sumungkit
sa International Math Olympiad din ay humirit
anim na medalya'y sa Pilipinas isinabit

pagpupugay sa mga nagwagi sa math olympiad
pagkat kanilang misyon ay di nabigo't natupad
anim na estudyanteng sa paligsahan umusad
apat na pilak at tatlong tansong medalya'y gawad

kinatawan ng bansa, anim na nakipagtagis
apat na medalyang pilak, nakamtang anong tamis
nina Raphael Dylan Dalida, Bryce Ainsley Sanchez,
Immanuel Josiah Balete, at Steven Reyes

habang nakapagkamit naman ng tansong medalya
sina Vincent Dela Cruz at Sarji Elijah Bona
patunay ng galing ng Pinoy sa matematika
sana sa larangang iyan ay magpatuloy sila

pagpupugay sa magagaling nating sipnayanon
sa sipnayan o matematika'y di nagkataon
sadyang magagaling ang mga estudyanteng iyon
at sana silang nanalo sa bansa'y makatulong

- gregoriovbituinjr.
08.04.2021

Sanggunian:
https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/hobbiesandactivities/798088/philippines-bags-6-medals-at-international-math-olympiad/story/
https://news.abs-cbn.com/news/08/02/21/filipino-students-6-medals-62nd-math-olympiad

Ayuda

AYUDA

nananawagan sila ng ayuda, ako'y hindi
pagkat pamilya'y magugutom, sitwasyong malala
ako'y aktibistang Spartan, tiyan ma'y humapdi
babangon, kikilos, gutom na'y binabalewala

kaya di ko ramdam yaong panawagang ayuda
dahil nakasanayan ko nang mabuhay ng solo
sabihin mang nagkaasawa na't nagkapamilya
ngunit asawa'y nasa probinsya, ako'y narito

ngayon, panibagong lockdown ay muling papalapit
maraming mawawalan ng trabaho't magugutom
kaya maraming babaling sa gobyerno't hihirit
na mabigyan ng ayuda habang kamao'y kuyom

ako'y di hihingi sa gobyernong walang respeto
sa karapatang pantao't pasimuno ng tokhang
hihingian pa'y walang galang sa due process of law
hihingan sila ng ayuda? silang pumapaslang?

pag nabigyan ba akong ayuda'y utang na loob?
sa gobyernong buhay ng tao'y basta kinikitil?
titigilan na ba ang panunuligsang marubdob?
pag nabusog sa ayuda'y pipikit na sa taksil?

tila ako'y dukhang humihingi ng dagdag sahod
gayong walang trabaho't pabrikang pinapasukan
tila ba humihingi sa gobyernong nakatanghod
na tingin sa masa'y piyon lang sa chess o digmaan

bagamat panawagang ayuda'y di ko man ramdam
ay tutulong sa kampanya't sigaw ng maralita
ipapakitang kahit ganito'y may pakialam
kahit ayokong humingi sa gobyernong kuhila

- gregoriovbituinjr.
08.04.2021

Di man pansinin sa pagyoyosibrik

DI MAN PANSININ SA PAGYOYOSIBRIK

pansin ko, walang pumapansin sa aking kampanya
laban sa upos ng yosi, dahil kakaiba ba?
bakit ako ang gumagawa, bakit di ang iba?
bakit ginagawa ko ito, para ba sa masa?

subalit kahit na ganoong walang pumapansin
patuloy pa rin ako sa niyakap na layunin
kaysa makitang bayan ay sa upos lulunurin
lalo na't isda sa laot, upos na'y kinakain

kailangang kumilos at magbigay halimbawa
isang pagbabakasakali tumulong din ang madla
na kalinisan din ng paligid ay maunawa
na di tapon dito, tapon doon ang ginagawa

baka sadyang mahina lang ako sa pagtaguyod
na upos sa kalikasan ay di nakalulugod
na baka isda sa laot sa upos na'y malunod
na walang kapupuntahan ay nagpapakapagod

hayaan n'yo na ako sa ginagawa kong ito
na sa bote'y magtipon ng upos ng sigarilyo
kapara ng ekobrik ay yosibrik ang gawa ko
adhikaing ito sa kapwa'y di naman perwisyo

- gregoriovbituinjr.
08.04.2021