Biyernes, Oktubre 14, 2022

Pagsirit ng pamasahe

PAGSIRIT NG PAMASAHE

Mayo, pamasahe pa ri'y nwebe
Hunyo, sampu na ang pamasahe
Hulyo, pamasahe'y naging onse
Oktubre, ang minimum na'y dose

upang madagdagan din ang kita
nilang tsuper na namamasada
gaano man kasakit sa bulsa
ng pasaherong hirap talaga

mga nangyari'y napakabilis
nang sumirit ang presyo ng langis
buti't masa pa'y nakakatiis
inis na'y di makita ang inis

galit na'y di makitang magalit
bagamat lihim na nagngingitngit
karapatan ay di maigiit
baka maridtag ng mga pangit

pamasahe na'y nagtataasan
ngunit walang magawa ang tanan
magtipid at magtiis na lamang
habang wala pa ring welgang bayan

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022

Tatsulok



TATSULOK

napakahirap din sa pamilya ng mayayaman
na ang anak ay mahuli't makulong sa piitan
lalo na't nakuha'y kush o dwarf marijuana naman
halos isang kilo, milyon ang halaga, O, Bayan

anak ng Kalihim ng Katarungan ang nadakip
na marahil madaragdag sa kulungang masikip
lumaya kaya agad kung may perang halukipkip?
hustisya kaya'y laruin nang anak ay masagip?

mabuti't nahuli, di pinaslang, tulad ng iba
na sa "War on Drugs" ay kayraming buhay ang wala na
patuloy pa ring lumuluha ang maraming ina
dahil pinaslang ang mahal na anak at asawa

ang anak-mayaman, nahuli na, ngunit kulong lang
sa dukha'y walang proseso, agad na pinapaslang
sabi pa'y nanlaban, kaya daw binirang tuluyan
hanggang ngayon, hanap ng mahal nila'y katarungan

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman", sabi
sa awiting Tatsulok, ganito ba'y nangyayari?
katotohanang awit nang bata'y di magpagabi?
ah, tatsulok na'y baligtarin ng nakararami!

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022

* mga litratong kuha sa google

Numero Uno na lang

NUMERO UNO NA LANG

mabubuo na rin ang sudoku
pag nalagay lahat ng numero
pagmasdan mo ang nasa litrato
natira rito'y numero uno

ganitong laro'y nakakatuwa
pampasaya, dama mo'y ginhawa
sa bakanteng oras ginagawa
upang pagpahingahin ang diwa

dati, sinasagutan ko'y aklat
ng sudoku, ngayon, app na lahat
doon na nagsusudokung sukat
laro'y lohika't nadadalumat

tara, minsan, magsudoku ka rin
at ang sarili mo'y pasayahin
huwag lang kalimutang kumain
upang katawan ay lumusog din

- gregoriovbituinjr.
10.14.2022