Biyernes, Oktubre 10, 2025

Mga gurô ang nasa headline ngayon




MGA GURÔ ANG NASA HEADLINE NGAYON

pawang mga gurô ang headline ngayong araw
sa dalawang diyaryo, gurong dapat tanglaw
magkaibang balitang karima-rimarim
mga suspek ay gurô, biktima'y gurô rin

sa una, dalawang guro'y nangmolestiya
ng mga estudyante, dalawa'y buntis na
sa ikalawa, guro't syota ay nagtalo
dahil daw sa nakawalang alagang aso

bunga nito'y pinaslang ng tibô ang gurô
yaong balat at tinalupan ay naghalò
pawang mga balitang di mo maiisip
dahil pag guro'y respeto agad ang lirip 

hustisya sa mga biktima nawa'y kamtin
at mga suspek ay madakip at litisin

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

* mga ulat mula sa pahayagang Abante Tonite at Pang-Masa, Oktubre 10, 2025, p.1 at 2

Gulay sa hapunan

GULAY SA HAPUNAN

iwas-karne at mag-bedyetaryan
pulos gulay muna sa hapunan
ganyan ang buhay ng badyetaryan
batay sa badyet ang inuulam

sa katawan natin pampalakas
ang mga gulay, wala mang gatas
may okra, kamatis at sibuyas
pulos gulay na'y aking nawatas

iyan ang madalas kong manilay
upang kalamnan nati'y tumibay
payo rin ito ng aking nanay
kaya kalooban ko'y palagay

sa hapunan, ako'y saluhan n'yo
at tiyak, gaganahan din kayo

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

Paglahok sa Black Friday Protest

PAGLAHOK SA BLACK FRIDAY PROTEST

isa lamang ako sa mamamayang galit
ekspresyon ang Black Friday Protest sa paggiit
ng hustisya para sa dukha't maliliit
na tinig ay kayhabang panahong winaglit

panahon nang maparusahan at ikulong
ang mga lingkod bayan daw ngunit ulupong
mga kongresista't senador na nangotong
pati kontratistang ginawa tayong gunggong

kahit ako'y nag-iisa, tiyak lalahok
sa takbo ng kasaysayan nang mailugmok
ang sistemang bulok at pulitikong bugok
nang uring manggagawa'y ilagay sa tuktok

simpleng tibak man ako at abang makata
pag nabago ang sistema'y saka huhupa
ang galit nitong bayan sa trapong kuhila
ngayon, tabak ni Andres muna'y hinahasa

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

Tatlong herbal na inumin

TATLONG HERBAL NA INUMIN

di naman iinumin nang sabay
magkasunod o isang tunggaan
may pagitan itong isang oras
mainit na tubig lang ang sabay

sayang kung tubig ay iinitin
kada oras sa takure namin
kaya tatlong baso'y pagsabayin
ngunit di lang sabay iinumin

isang baso'y salabat o luya
dahon ng guyabano ang isa
isa nama'y sambasong bawang pa
inuming pampalakas talaga

iyan na ang aking iniinom
gabi, umaga, tanghali, hapon
hay, kayrami pang trabaho't misyon
dapat katawa'y malakas ngayon

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

Baha sa tapat ng bahay

BAHA SA TAPAT NG BAHAY

kaylalaki ng patak ng ulan
dito pa rin ba'y ghost ang flood control?
tingni, nagbaha na sa lansangan
flood control ba'y paano ginugol?

batid na ng bayan ang korapsyon
na likha ng mga lingkodbayan
talagang loko ng mga iyon
ibinulsa ang pera ng bayan

ay, wala ba silang mga budhi
kung meron man, budhi'y sakdal itim
dapat nang lunurin sa pusali
silang budhi'y kakulay ng uling

sa lumalaban, ako'y saludo
upang mabago na ang sistema
itayo'y lipunang makatao
mga kurakot, parusahan na!

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2353627365076958