Sabado, Oktubre 26, 2019

Sa biyahe

minsan sa pagbibiyahe, ako'y napapaidlip
lalo na't matrapik, nakaupo, nakakainip
kung di makatulog, nagsusulat ng tula sa dyip
itinatala agad nang di mawala sa isip

pag lulan ng bus at trapik ay nasa tatlong oras
naglalaro sa selpon, sudoku, kwadro de alas
nagbabasa rin, bakasakaling may bagong tuklas
o kaya naman ay nanonood pag may palabas

kaytagal din, ilang oras, ang biyahe sa barko
patungong lugar upang sa kumperensya'y dumalo
habang tinititigan ang alon, nakaliliyo
walang lupang natatanaw, tubig ang paligid ko

sumakay ng eroplano't tinungo'y dayong lupa
bawat upuan ay may telebisyon, nangangapa
hanggang Les Miserables ang napindot ko't bumulaga
napanood ko roo'y di napanood sa bansa

sa paglalakbay, may mga lugar na pinakete
kayraming mararanasan sa iyong pagbiyahe
maitatala'y samutsaring danas, kwento't siste
tila ba gagaan ang sa damdamin mo'y bagahe

- gregbituinjr.

Ako'y manhik manaog sa loob ng kabahayan

ako'y manhik manaog sa loob ng kabahayan
nag-iisip, nagninilay, anong kinabukasan
ang dadatnan, dapat kumilos lalo't kailangan
at makibaka para sa hustisyang panlipunan

tumigil ako sumandali't sa banig nahiga
matamang tinitigan ang kisameng parang bula
lahat ng ipinaglaban ba'y mababalewala
kung tagumpay ng masa'y aangkinin ng kuhila

mga trapo't naghaharing uri'y kuhilang bastos
na pinananatiling hirap ang buhay ng kapos
sa lakas-paggawang kaybaba, sinong magtutuos
kung sa karukhaan, balat ng dukha'y nalalapnos

buti na lamang, di ako ganap na nakatulog
muli, sa loob ng bahay, ako'y manhik manaog
palakad-lakad, sana ang bata'y maging malusog
at huwag sanang dumating ang kung sinong may usog

- gregbituinjr.

Gawing ekobrik ang mga pulitikong plastik

di pwedeng gawing pataba sa lupa dahil toksik
iyang mga pulitikong dapat lang i-ekobrik
lalo ang mga tusong trapong gahaman at lintik
silang sanhi kaya buhay ng masa'y putik-putik
mga basurang trapong kapara'y single-use plactic

di sapat na ang mga pulitiko'y ibasura
pagkat baka makahawa pag sila'y naglipana
dapat i-ekobrik ang tulad nilang palamara
pagkat sila ang sanhi ng kahirapan ng masa
lalo't dignidad ng dukha'y kanilang dinudusta

tanong ko lang, may matitino pa bang pulitiko
lalo na't layunin nila'y pag-aaring pribado
na sanhi'y pagsasamantala ng tao sa tao
at ninenegosyo pati pampublikong serbisyo
i-ekobrik ang trapo upang sistema'y magbago

- gregbituinjr.