Martes, Pebrero 15, 2022

Pagkilos

PAGKILOS

animo'y lawin ang mga titig
na sa puso'y nakapanginginig
ano kaya ang kanilang ibig?
ang kami ba'y di magkapitbisig?

anong kasaysayan ang naganap
sa maraming taong naghihirap?
bakit buhay ay aandap-andap?
nawalan ba sila ng pangarap?

bakit ba pagpag ang kinakain
ng mga dukhang walang makain?
sa nakita'y anong dapat gawin?
anong sistemang dapat baguhin?

ah, nararapat lamang kumilos
nang mabago ang bayang hikahos
lalo't lipunang kalunos-lunos
upang kahirapan ay matapos

labanan iyang trapong hunyango
at sistemang sanhi ng siphayo
lipunang makatao'y itayo
upang masa sa hirap mahango

makipagkapitbisig sa masa
baguhin ang bulok na sistema
pagkilos ko'y panata't pagsinta
pagkat ako'y isang aktibista

- gregoriovbituinjr.
01.15.2022

Polusyon

POLUSYON

wala kami sa pusod ng gubat
kundi nasa lungsod na makalat
damang polusyon ay humabagat
na sa atin parang nanunumbat

buti't mapuno pa rin sa lungsod
kahit polusyon ay humahagod
sa ating hininga'y sumasakyod
patuloy man tayong kumakayod

ah, paano na kung walang puno
anong init na sa diwa't puso
na kaakibat nito'y siphayo
baka mawalan tayo ng tino

ang nararapat ay ating gawin
upang iyang polusyon sa hangin
ay tuluyang mapawi, tayo rin
ang kikilos, simulan na natin

- gregoriovbituinjr.
01.15.2022

Tungkulin para sa kinabukasan

TUNGKULIN PARA SA KINABUKASAN

patuloy nating pangalagaan ang kalikasan
na mahalagang tungkulin ng bawat mamamayan
sapagkat isa lang ang daigdig nating tahanan
kaya kinabukasan nito'y ating paglaanan

ang pangangalaga sa mundo'y huwag ipagkait
sa susunod na henerasyong mabuhay nang sulit
di tayo kailangan ng kalikasan subalit
kailangan natin ang kalikasan, aba'y bakit?

isa iyang katotohanang tumagos sa puso
ng mga katotong sa klima nga'y nasisiphayo
dahil sa climate change, maraming isla'y maglalaho
balintuna, tataas ang tubig, lupa'y natuyo

walang makain kahit nagtanim na magsasaka
lalo't tumindi ang bagyo't kayraming nasalanta
pagsunog ng fossil fuel at coal ay tigilan na
sagipin ang masa mula sa nagbabagong klima

halina't ating pangalagaan ang kalikasan
huwag gawing basurahan ang dagat at lansangan
kapitalismong sanhi nito'y dapat nang palitan
at magandang bukas para sa masa'y ipaglaban

- gregoriovbituinjr.
02.15.2022