Huwebes, Marso 6, 2025

Pag-ambag ng dugo

PAG-AMBAG NG DUGO

bilang aktibista, nais kong makatulong
sa aking kapwa, kahit magbigay ng dugo
para sa nangangailangan, nilalayon
kong ang masa'y maging malusog, di tuliro

makapag-ambag ng dugo'y magandang gawâ
di lang pulos pakikibaka sa kalsada
malaking tulong sa karaniwan mang dukhâ
lalo na't dugo pala'y kailangan nila

simpleng gawa, simpleng misyon sa sambayanan
kaya nang sa Farmers, Cubao ay makita ko 
na may Blood Donation Drive ay nagkusa naman
bilang tibak ako'y agad nagboluntaryo

upang sa sinuman dugo ko'y maisalin
dahil saksi ako sa aking misis noon
sa ospital, sa unang araw pa lang namin
dugong tatlong bag sinalin kay misis doon

kaya pagbibigay ng dugo'y naidagdag
sa aking misyon dito sa mundong ibabaw
kaysarap sa pakiramdam na may naambag
sa kapwa upang makapagdagdag ng búhay

- gregoriovbituinjr.
03.06.2025

* litratong kuha sa Blood Extraction Area ng Philippine Red Cross QC Chapter sa Farmer, Cubao, Marso 6, 2025

Unang 50,000 puntos sa kasaysayan ng NBA

UNANG 50,000 PUNTOS SA KASAYSAYAN NG NBA

si Lebron James ay lumikha ng kasaysayan
nang ikalimampung libong puntos ay nagawa
sa isports na basketbol na kanyang larangan
na ikinatuwa ng mga tagahanga

nangyari iyon sa laban ng Los Angeles
Lakers kontra New Orleans Pelicans na tambak
ng higit dalawampung iskor, na mabilis
ang katunggali'y sa alikabok sinadlak

nilampasan niya si Kareem Abdul Jabbar
na puntos ay tatlumpu't walong libong higit
kay Lebron James naman ay matinding paandar
na unang limampung libong syut ay nakamit

pagpupugay kay Lebron James sa nakamit niya
sa NBA regular season pa talaga

- gregoriovbituinjr.
03.06.2025

* NBA - National Basketball Association
* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pilipino Star Ngayon, Marso 6, 2025

Isa nang alamat si Rubilen Amit

ISA NANG ALAMAT SI RUBILEN AMIT

tulad ni Efren "Bata" Reyes si Rubilen Amit
sa pandaigdigang kumpetisyon nakapagkamit
ng koronang naipagwagi sa labanang gitgit
at nakilala na ang husay niya't takong bitbit

nasungkit ni world billiard champion Amit ang korona
ng Women Challenge of Champions sa Las Vegas, Nevada
na patunay sa husay ng atletang Pilipina
premyong labinlimang libong dolyar ay nakamit pa

tulad ni Efren, si Amit ay isa nang alamat
na mga ipinakita'y sadyang nakagugulat
sa ambag sa bilyar, taospusong pasasalamat
at pangalan ng ating bansa'y muling iniangat

sa iyo, Rubilen Amit, mabuhay ka! MABUHAY!
makatang ito sa iyo'y talagang nagpupugay!

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 27, 2025, p.12, at pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 2, 2025, P.12

Ang dapat maluklok

ANG DAPAT MALUKLOK

katatapos lang ng bayan sa paggunitâ
sa anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa
isang aral na nakita ko'y maging handâ
kung sakali mang mag-alsa muli ang masa

napagnilayan ko ang uring manggagawà,
maralita, kababaihan, magsasaka
mga inang dahil sa tokhang lumuluhà
ay, paano ba babaguhin ang sistema

kung ang Pag-aalsang Edsa'y muling mangyari
dapat dahil sa pagbabagong ating mithi
dahil ang mapagsamantala't mapang-api
ay dapat mawala't di na makapaghari

wasto lang na tunguhin nati'y tamang landas
kung saan wawakasan ang sistemang bulok
itatag natin ang isang lipunang patas
at mula uring manggagawa ang iluklok

- gregoriovbituinjr.
03.06.2025