Martes, Hulyo 12, 2011

Ang Madasaling Bise

ANG MADASALING BISE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nagdarasal nga bang lagi ang bise
na pangulo niya'y maaksidente?
na sana ito'y tuluyang madale
nang mapalitan na ang presidente?

ano nga ba yaong papel ng bise?
maghintay mamatay ng presidente?
wala na ba siyang ibang diskarte?
kaysa hintaying pangulo'y madale?

dapat palawakin pa ang tungkulin
ng bise nang di maging madalasin
na pagkawala ng puno'y asamin
na siya ang tiyak na bubungahin

tungkulin ng biseng siya'y papalit
pag pangulo niya'y nawalang pilit
ngunit kung dasal niya'y hanggang langit
ang asal na ito'y sadyang kaypangit

kung bise'y nagbi-busy-busy-han lang
at wala namang pinamumunuan
walang kwenta ang kanyang katungkulang
tagahintay na pangulo'y palitan

ang tungkulin ng bise'y palaparin
mga gawain niya'y palawakin
sa masa siya muna'y paglingkurin
kung pamumuno'y kanyang kakayanin