Huwebes, Marso 4, 2010

Dila'y Gamiting Tama

DILA'Y GAMITING TAMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

ang paa na ang madulas
ang dila lamang ang huwag
pagkat ang dila'y matalas
sa atin nga'y nanunuwag

dila'y tagos hanggang buto
di tulad ng ating paa
kahit madulas man tayo
tayo'y tiyak tindig pa

ang dila ang winawasak
ay ang ating pagkatao
tayo'y kanilang hinamak
at agarang nilulumpo

dila'y gamitin mong tama
upang tayo'y di isumpa

Makakasilat Din Tayo

MAKAKASILAT DIN TAYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang pagkatalo ay palagi
at ang panalo ay sakali
tumaya ka na kaysa hindi
at baka makamit ang mithi

pagkarami man nating talo
ay makakasilat din tayo
malay mo, manalo sa lotto
o ang ibinoto'y panalo

ganito sa buhay na iwi
laging pagbabaka-sakali
sa pagsuko ikaw'y humindi
at balang araw magwawagi

kung ngayon ikaw ay tuliro
dapat loob mo pa ri'y buo
walang puwang ang pagkadungo
kaya di ka dapat sumuko