Sabado, Mayo 4, 2024

Ang makakalikasang paalala sa PNU

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa ikaanim na araw ng burol ng aking ama, ako'y lumuwas muna ng Maynila upang daluhan ang isang kaganapan sa Edilberto P. Dagot Hall ng Philippine Normal University (PNU) noong Abril 17, 2024, araw ng Miyerkules. Dinaluhan ko roon ang Lektura at Paglulunsad ng Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika mula alauna hanggang alas-singko ng hapon.

Nakabili rin ako roon ng tatlong aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pangunahin na ang aklat na inilunsad ng araw na iyon - ang Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika; ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, Ikalawang Edisyon, at ang Tandang Bato, Ang mga Manunulat sa Aking Panahon, ni Efren R. Abueg. Nabigyan pa ako ng KWF ng dalawang Komplimentaryong Kopya ng babasahin - ang Rubdob ng Tag-init, na salin ng akda ni Nick Joaquin, at ang Purism and "Purism" in the Philippines. na akda ni national artist Virgilio S. Almario.

Nagsimula at natapos ang programa, at napakinggan ang mga tagapagsalita, ay naroroon ako at matamang nakinig. Nagkausap pa kami roon ng musikero at propesor na si Ka Joel Malabanan, at napag-usapan namin ang hinggil sa gawaing pagsasalin bago magsimula ang programa. Ikalima ng hapon, nang ako'y papalabas na ng PNU ay nakita ko sa gate ang isang karatulang nagsasabing: "Philippine Normal University prohibits usage of single-use plastics (BOR Resolution No. U-2883, s.2018)".

Wow! Bigat! Talagang makakalikasan ang panawagang iyon. Kaya agad akong nag-selfie sa karatulang iyon. Paglabas ko roon ay bumiyahe na ako ng probinsya dahil kinabukasan na ang libing ng aking ama. Mabuti't naisingit ko ang pagtungo sa PNU na nagbigay sa akin ng bagong kaalaman nang araw na iyon.

Dahil dito'y kumatha ako ng maikling tula.

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU

pagsaludo'y alay sa magaling na paaralan
nang makita ang karatulang makakalikasan
bawal doon ang single-use plastics o kaplastikan
nang estudyante't buong eskwela'y maprotektahan

ang mga single-use plastic kasi'y di nabubulok
isang gamitan lang ay basura nang inilugmok
bilin iyon sa estudyante't gurong dapat arok
at sa sambayanang asar sa pulitikong bugok

sa Philippine Normal University o P.N.U.
ako'y karaniwang taong sa inyo po'y saludo
patakarang sana'y tumagos sa puso ng tao
upang single-use na plastik ay mawala sa mundo

ang inyo pong halimbawa'y paglilingkod na tunay
sa bayan, paaralan, lansangan, pamilya, bahay
maraming salamat po, mabuhay kayo! Mabuhay!
ako po sa inyo'y taas-kamaong nagpupugay!

05.04.2024

* mga litrato'y selfie ng makatang gala sa loob ng PNU, Abril 17, 2024

Payo sa isang naguguluhan

PAYO SA ISANG NAGUGULUHAN

magsulat ka ng tula, kaibigan
sakaling ikaw ay naguguluhan
problema'y tila walang kalutasan
suliranin mo'y walang katapusan

maaaring tula mo'y itago mo
o ibahagi sa iba kung gusto
o basahin mo ng malakas ito
at pakikinggan kita, katoto ko

magsulat ka nang may sukat at tugma
o kaya'y ng taludturang malaya
at damhin ang indayog ng salita
nanamnamin ko bawat talinghaga

isulat mo ang nasa puso't isip
bakit dapat na buhay mo'y masagip
mula sa hirap na di mo malirip
na tila ginhawa'y di mo mahagip

tumigil muna't magsulat sandali
bakit ba buhay ay pagmamadali
bakit laging nagbabakasakali
isulat mo saan ka namumuhi

magsulat ng magsulat ng magsulat
problema mo'y isulat ng isulat
ibuhos mo sa tula lahat-lahat
saka mo lamukusin nang maingat

bukas, buklatin mo ang tinula mo
maluwag na ba ang kalooban mo?
sana, ito'y nakatulong sa iyo
tula mo ba'y pwedeng ilathala ko?

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

350 klasikong kwento ang babasahin

350 KLASIKONG KWENTO ANG BABASAHIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pitong aklat na may limampung kwento bawat isa ang aking nabili nitong nakaraan lamang sa National Book Store. Nagkakahalaga ng P245.00 bawat isa, kaya P245.00 x 7 - P1,715.00 sa kabuuan. Subalit hindi ito isang bilihan, dahil pinag-ipunan ko muna ang mga ito hanggang sa makumpleto. Isa muna sa una, dalawa sa pangalawang bili, dalawa uli sa ikatlong bili, at dalawa sa ikaapat na bili.

Una kong nabili ang 50 Greatest Short Stories. Nakita ko rin ang iba pa. Hindi ko muna ipinagsabi at baka maunahan. Kaya pinuntirya ko talaga ang mga ito. Nag-ipon na ako, lalo na't mga klasikong kwento ito sa panitikang pandaigdig.

Ikalawa kong binili ang 50 Greatest Love Stories at ang 50 Greatest Detective Stories. Naghalungkat pa ako kung mayroon pa ba itong mga kasama, at nakita ko nga ang 50 Greatest Horror Stories na sa susunod kong punta na bibilhin.

Ikatlong pagpunta sa National Book Store ay binili ko na ang 50 Greatest Horror Stories at nakita ko pa ang 50 Creepy and Blood-Curdling Tales na aking isinabay na rin, na pawang dalawang aklat ng katatakutan. Iniisip ko ring magsanay ng paggawa ng maikling kwentong katatakutan noon, dahil nakapagbabasa na ako ng maiikling kwentong katatakutan, tulad ng mga kwento ni Edgar Allan Poe.

Ikaapat na bili ay dalawa uli. Ito ang 50 Strange and Astonishing Tales, na hinggil sa mga kababalaghan, at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished, na mga kwento hinggil sa digmaan, kabayanihan, at namatay sa labanan.

Ang naglathala ng pitong aklat na ito'y ang Rupa Publications India Pvt. Ltd, 7/16 Ansari Road, Daryaganj, New Delhi 110002. Sa bawat aklat ay nasusulat din ang Printed in India. Bagamat iba-iba ang taon ng pagkalathala.

Pawang naglalaman ng mga akda ng mga klasikong manunulat, tulad nina Edgar Allan Poe, Guy de Maupassant, Sir Arthur Conan Doyle, Virginia Woolf, Rudyard Kipling,  H. G. Wells, Bram Stoker, Joseph Conrad, Jack London, Stephen Crane, Ernest Hemingway, at marami pang idolo ko sa pagsusulat.

Hindi makakaya kung bawat gabi ay magbabasa ng isang kwento dahil na rin sa maraming gawain. Subalit halimbawang makatapos ka ng isang kwento sa bawat gabi, at sunod-sunod na gabi, mababasa mo ito sa loob ng labing-isang buwan at labinlimang araw (350 kwento sa 350 araw) o kulang ng kalahating buwan sa isang buong taon (365 araw) ay matatapos mong basahin ang lahat ng kwento.

365 araw kada taon - kulang pa ng 15 kwento para sa isang buong taon. Nais kong makakatha rin ng mga kwentong ganito na pawang may lalim at naging klasiko na. Sa ngayon ay nalalathala ang aking mga kinathang maikling kwento, o dagli, sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na hinggil naman sa napapanahong mga isyu ng mga maralita't manggagawa.

Kaya ang pagbabasa ng pitong aklat na nabanggit ay dapat bigyan ng panahon upang mas malinang pa ang aking kakayahang magsulat ng kwento. Kaya hindi lamang ang mga ito koleksyon ko sa munti kong aklatan kundi mapag-aralan din ang mga estilo ng mga klasikong manunulat, at makalikha rin ng mga akdang baka maging klasiko rin sa kalaunan 

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

PITONG AKLAT NG KWENTO

pitong aklat ng maikling kwento ang nabili ko
limampung kwento ang nilalaman ng bawat libro
na pinag-ipunan upang mabili kong totoo
at mailagay sa aklatan at mabasa ito

una kong binili ang 50 Greatest Short Stories
sunod ay pinag-ipunan ang librong ninanais
sa pangalawang bili'y 50 Greatest Love Stories
na kasabay ng 50 Greatest Detective Stories

katatakutan ang 50 Greatest Horror Stories
pati ang aklat na 50 Creepy and Blood-Curdling Tales
sunod na bili'y 50 Strange and Astonishing Tales 
at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished

limampung kwento ang nilalaman ng bawat aklat
tatlong daan at limampung kwento ang mabubuklat
at mababasa, bawat isa nawa'y madalumat
mabatid ang estilo ng klasikong manunulat

mga ito'y iba't ibang genre kung tutuusin
kayraming awtor at estilong pagkamalikhain
mga kwento'y nanamnamin, alamin at aralin
kung nais magpakabihasa sa kwento'y basahin

pagkatha ng maiikling kwento'y paghuhusayan
hinggil sa isyu ng api't pinagsamantalahan
kakathai'y kwento ng dukha, manggagawa't bayan
upang makatulong sa pagmulat sa sambayanan

05.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala, Mayo 4, 2024

Muli, tsaa't pandesal

MULI, TSAA'T PANDESAL

binili kong muli ay pandesal
at tsaang lagundi sa almusal
upang sa maghapon ay tumagal
sa mga gawang nakapapagal

ay, nakapapagod ding mag-isip
ng mga akdang di pa malirip
minumutya ko ba'y masasagip
mula sa masamang panaginip

aking kasangga ang manggagawa
laban sa sistemang mapanira
at pagsasamantalang kuhila
upang bayang ito'y mapalaya

itatala bawat kaganapan
ikukwento bawat sagupaan
pilit babaguhin ang lipunan
at gawing patas ang kalakaran

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

Engkanto at maligno

ENGKANTO AT MALIGNO

sa palaisipang ito
ay talagang nakita ko
kahulugan ng engkanto
ang lumabas ay maligno

maligno'y ano ba naman
kundi pangit na nilalang
pinalabas sa sinehan
at pati sa panitikan

ngunit engkanto'y enchanted
animo'y kaakit-akit
may diwatang maririkit
kakaiba ang daigdig

ang diwata'y maligno ba
sila'y kaygagandang nimpa
kaya nakapagtataka
kung engkanto'y maligno na

maligno'y tulad ng aswang
tiyanak, kapre, tikbalang
na sadyang katatakutan
na ugali'y mapanlamang

sila'y pawang mapanakit
upang tao'y magkasakit
malas ang kanilang bitbit
at sila'y sadyang kaylupit

doon nga sa Enkantadia
ada'y kahali-halina
animo'y mga diyosa
patas pang palakad nila

ang engkanto'y di maligno
sa pakahulugang ito
kaya ang krosword na ito
ay dapat namang iwasto

- gregoriovbituinjr.
05.04.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Mayo 2, 2024, pahina 11