Linggo, Hulyo 28, 2024

Pag-idlip

PAG-IDLIP

ngayong hapon ay naalimpungatan ako
nakita si alaga, tulog din tulad ko
animo'y nananaginip, aba'y tingnan mo
paa't buntot gumalaw nang kunan ng bidyo

pag tulog ba ako'y pagmamasdan din niya?
ano kayang ginagawa't aking itsura?
pansin ba niyang nagmuta ang aking mata?
o mas uunahin niya'y dagang puntirya?

paumanhin kung siya ang paksa na naman
siya kasi'y isang tapat na kaibigan
sa pag-uwi ko'y nagbibigay kasiyahan
kung may bigat ng loob ay biglang gagaan

sige, alaga, balik tayo sa pagtulog
abutin natin ang pangarap na kaytayog
at bakasakaling makapitas ng niyog
nakainom na, tayo pa ay mabubusog

- gregoriovbituinjr.
07.28.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/882316533741238 

Sakay sa traysikel

SAKAY SA TRAYSIKEL

sakay kami ni misis sa traysikel
nakaupo roon, siya'y siniil
ko ng halik sa pisngi, di napigil
ang damdaming tila walang hilahil

kami'y nagtungo noon sa palengke
at mga kailangan ay binili
noodles, sardinas, okra, talbos, kape,
bigas, buti't di inabot ng gabi

bumili rin ng binhing itatanim
nang umulan, nagpahinga sa lilim
habang naiisip ko nang taimtim
ang nasalanta ng bahang kaylalim

ah, dapat mayroong laman ang bahay
kung umulan man, may kukuning tunay
lalo ngayong di tayo mapalagay
baka may bagyong muling masisilay

sa traysikel sumakay kaming muli
nang sa aming bahay ay makauwi
pahinga muna, sa lakas babawi
bukas itatanim ang bagong binhi

- gregoriovbituinjr.
07.28.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/reel/411971717942142 

Pananaliksik

PANANALIKSIK

patuloy akong magsasaliksik
ng anumang paksang natititik
o sa lansangan ay isyu't hibik
o usaping dapat isatitik

marahil iyan ang magagawa
ng tulad kong abang mangangatha
magsaliksik, maghanap, mangapa
ng paksang dapat batid ng madla

anong isyu ng dukha't obrero
bakit dapat itaas ang sweldo
bakit dapat labanan ang trapo
at ibagsak kasama ng amo

bakit maralita'y naghihirap
dahil ba sa trapong mapagpanggap
anong sistemang dapat magagap
ng maralitang di nililingap

patuloy kong gagawin ang misyon
sa kauri't gampanan ang layon
sasaliksikin ko ang kahapon
upang iugit sa bagong ngayon

- gregoriovbituinjr.
07.28.2024