Sabado, Hulyo 13, 2024

Bawang juice

BAWANG JUICE

ramdam kong para bang nilalagnat
anong lamig kasi't naghabagat
dama ng katawan ko'y kaybigat
kaya nag-water therapy agad

uminom ng mainit na tubig
nang katawan pa'y nangangaligkig
di ko maitaas itong bisig
subalit kaya ko pang tumindig

ginayat ko'y sangkumpol na bawang
at sa tubig ay pinakuluan
ininom iyon nang maligamgam
guminhawa na ang pakiramdam

para bagang aswang iyang lagnat
na nilagang bawang ang katapat
noong bata pa'y tinurong sukat
ni ama, marami pong salamat!

- gregoriovbituinjr.
07.13.2024

Scotch tape, timbang butas at kamatis

SCOTCH TAPE, TIMBANG BUTAS AT KAMATIS

madalas nating nakikita ang di hinahanap
na pag kailangan naman natin ay di makita
buong kabahayan ay hahalughugin mong ganap
pag di agad makita, ramdam mo'y maiirita

tulad ng scotch tape na pinatungan ng kamatis
upang balutan ng scotch tape ang butas na timba
nasa taas lang pala ng ref ako'y naiinis
sa loob ng isang oras, nakita ko ring sadya

imbes na bumili ng bagong timba sa palengke
ay nilagyan ko ng scotch tape upang magamit pa
kaya ginawa ko ang nalalaman kong diskarte
ngayon, nalabhan ko na ang sangkaterbang labada

maging matiyaga sa paghahanap, ani nanay
at nagawa ko rin ang anumang gagawin dapat
huwag maiirita't mahahanap din ang pakay
sa scotch tape at sa kamatis, maraming salamat

- gregoriovbituinjr.
07.13.2024

Salitang nabuo sa HOLIDAY

SALITANG NABUO SA HOLIDAY

sa kabila ng laksang gawain
larong Word Connect pa'y lalaruin
ito'y pinakapahinga na rin
at ngayon, may di kayang sagutin

di ko nabuo't nasagot ang app
na Word Connect, di ko na magagap
ang isa pang salita, kayhirap
napatunganga na lang sa ulap

kung Tagalog kaya ang gamitin
sa salitang HOLIDAY buuin
ano-anong salita, alamin
ito ang napagtripan kong gawin

sa HOLIDAY, salitang nabuo:
LAHI, LIHA, HILA, HILO, LAHO
DAHIL, DALOY, DAYO, DALO, HALO
DALI, DILA, ALID, AHOD, LAYO

ALOP, AYAP, AYOP, marami pa
LIDO, LIYO, ngalang HILDA, YODA
katuwaan man, ang mahalaga
nalilibang kahit na abala

- gregoriovbituinjr.
07.13.2024

* ALID - manipis na manipis, payat na payat, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.32
* AHOD - salitang medikal, kalmot o marka ng kagat ng hayop sa balat ng tao, UPDF, p.21
* ALOP - marumihan o mamantsahan, UPDF, p.40
* AYAP - uri ng sitaw na higit na maikli ang bunga at masapal, UPDF, P.94
* AYOP - alipusta, UPDF, p.95
*LIDO - sa Ifugao, sumbrero o putong na higit na malanday sa hallidung, UPDF, p.694

Madaling araw

MADALING ARAW

saklot pa ng dilim ang paligid
nang magising akong nangingilid
ang luha, animo'y may naghatid
ng balitang dapat kong mabatid

dama kong aking pinagsanggalang
ang buhay laban sa mapanlamang
na sa akin ay biglang humarang
batid kong ito'y panaginip lang

tiningnan ko kung sara ang pinto
nakaamoy ako ng mabaho
narinig ko pa'y mahinang tulo
na maya-maya'y biglang naglaho

di pa dapat ako kinakaon
ni Kamatayang mayroong misyon
nais ko pang gampanan ang layon
isang makauring rebolusyon

ayokong sa sakit ay maratay
buti kung bala'y napos ng buhay
nais ko pang rebo'y magtagumpay
na mata ko ang makasisilay

- gregoriovbituinjr.
07.13.2024