Linggo, Mayo 26, 2024

Panitikang bayan

PANITIKANG BAYAN

nais ko palaging magbasa
nitong ating literatura
at matunghayan ko tuwina
ang mga akda ng nauna

mga naunang manunulat
paano ba sila namulat
paano ba sila nagmulat
paano ba sila nagsulat

kaya ginawa ko nang misyon
na inakda nila'y matipon
pambihirang pagkakataon
ang matipon ang mga iyon

at basahin sa libreng oras
na katulad ng panghimagas
tila binasa'y mga pantas
na hangad ay lipunang patas

panitikan mang subersibo
o panitikang makatao
babasahin ko lahat ito
sa mga nauna'y matuto

halina't magbasa ng aklat
ng mga naunang kabalat
sa bansa'y pamana ngang sukat
tanging masasabi'y salamat

- gregoriovbituinjr.
05.26.2024

Sa pag-iisa - salin ng tula ni Edgar Allan Poe

SA PAG-IISA
ni Edgar Allan Poe
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Noong ako'y bata, ako nga'y hindi pa
Katulad ng iba - hindi ko natanaw
Ang nakita nila - hindi ko madala
Ang mga hilig ko mula pa sa bukal
Mula pinagmulang hindi ko matangay
Yaring kalungkutan - hindi ko ginising
Ang puso sa tuwa sa parehong himig -
Tanang inibig ko'y - inibig mag-isa
Kaya - nang bata pa - sa madaling araw
Ng buhay kong tigib ng sigwa - ginuhit
Nang mula sa lalim ng buti't masama
Ang kahiwagaang bumalot sa akin -
Magmula sa agos, o kaya'y sa balong -
Mula pulang bangin niyong kabundukan - 
Mula sa araw na lumigid sa akin
Sa taglagas niyong tinina ng ginto
Mula sa pagkidlat niyong kalangitan
Nilampasan akong ito'y lumilipad -
Mula sa pagkulog, at maging sa unos -
At sa alapaap na siyang nag-anyo
(Na ilang bahagi ng Langit ay bughaw)
Ng isang diyablo sa aking pananaw -

* isinalin, ika-26 ng Mayo, 2024
* litrato mula sa google


ALONE
BY EDGAR ALLAN POE

From childhood’s hour I have not been
As others were—I have not seen
As others saw—I could not bring
My passions from a common spring—
From the same source I have not taken
My sorrow—I could not awaken
My heart to joy at the same tone—
And all I lov’d—I lov’d alone—
Then—in my childhood—in the dawn
Of a most stormy life—was drawn
From ev’ry depth of good and ill
The mystery which binds me still—
From the torrent, or the fountain—
From the red cliff of the mountain—
From the sun that ’round me roll’d
In its autumn tint of gold—
From the lightning in the sky
As it pass’d me flying by—
From the thunder, and the storm—
And the cloud that took the form
(When the rest of Heaven was blue)
Of a demon in my view—

Pagngiti sa pagwawangis

PAGNGITI SA PAGWAWANGIS

pag may kakaibang nabasang talinghaga
lalo't kayganda'y mapapangiti kang sadya
animo'y nakikiliti ang iyong diwa
napapaisip sa alindog ng salita

tulad na lang ng tayutay na pagwawangis
o simile, na matulaing binibigkis
bakit puso mo'y gaya ng bato sa batis
pinaluluha mo ako ng labis-labis

kapara mo'y talangka sa laot ng lumbay
katulad ko'y bituin sa langit ng malay
ang gerilya'y tulad ng makatang mahusay
parang tulang di madalumat ng kaaway

pangako ng trapo'y parang dampi ng hangin
laging napapako kundi man nakabitin
sa ChaCha ang bayan ay parang nasa bangin
bantang ibenta sa dayo ang lupa natin

sa ganitong tayutay ay napapangiti
pagkat sa larang ng tula ako'y masidhi
sa pagkatha nito'y di dapat magmadali
na paksa'y inaalam muna't sinusuri

- gregoriovbituinjr.
05.26.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Sudoku - larong palatambilang

SUDOKU - LARONG PALATAMBILANG

ang palatambilang ay larong diwa
na sa ating utak ay naghahasa
tulad ng sudokung nakatutuwa
sapagkat ito'y nagbibigay sigla

sa bawat larong diwa tulad nito
ay pinag-iisip talaga tayo
ilalagay mo ang wastong numero
sa isang linyang walang kapareho

ang bilang isa hanggang bilang siyam
pahalang, pababa, o pahilis man
at tatlo-tatlong bloke ng tambilang
ay ilagay sa tamang kalalagyan

pag in-add ang munero bawat linya
sumatotal ay apatnapu't lima
pag may parehong numero sa linya
ayusin mo pagkat iya'y mali na

sa ganitong larong diwa, salamat
at isipan ay di pinupulikat
sapagkat naeehersisyong sukat
lalo't nabuo't nasagutang lahat

- gregoriovbituinjr.
05.26.2024