Biyernes, Setyembre 16, 2022

Sobre

nag-abot ng munting sobre
ang pulubing nanghihingi
nabigay ko'y pamasahe
at lakad akong umuwi

- gbj/09.16.2022

Kislap ng diwa

kumikislap ang diwa
nitong abang makata
ideyang di mawala
heto na't ginagawa

sa kislap ng panulat
ang masa'y minumulat
habang sa puso'y bakat
ang nabahaw na sugat

- gbj/09.16.2022

Di pipi

tahimik ako ngunit di pipi
na basta sinasalya sa tabi
may karapatan ding masasabi
na hindi papayag magpaapi

- gbj/09.16.2022