Lunes, Abril 13, 2026

2 magkasunod na araw ng dalamhati

2 MAGKASUNOD NA ARAW NG DALAMHATI

dalawang magkasunod na araw ng dalamhati
Abril Onse, ikasampung death monthsary ni misis
Abril Dose, pangalwang death anniversary ni Dad
dalawa sa aking pinakamamahal sa buhay

pagluwas ko galing probinsya, trabaho na naman
upang tapusin ang mga agarang kailangan
sadyang ganyan ang buhay, may panahon ng pagluhà,
ng dalamhati, bukas nama'y pagbaka ng dukhâ

kailangang tapusin ang mga isinasalin
bagamat di sapat upang ang sarili'y buhayin
munti man ang kabayaran, sa bulsa'y may papasok din
pagkat araw-araw, dapat may pambiling pagkain

natapos man ang dalawang araw ng paggunitâ
dini sa pusò, sila na'y nakaukit na sadyâ

- gregoriovbituinjr.
04.13.2026

Tumbong

TUMBONG
‎nais nang lumabas / ng tae sa puwet
‎iri na ng iri / nang paulit-ulit
‎sana'y dudukutin / ko na iyong pilit
‎buti't nalunasan, / nawalâ ang sakit
‎ininom ko agad / ang nakahandang dyus
‎galing ref, malamig, / guminhawang lubos
‎una, isang pitsel / nitong malunggay dyus
‎sunod ay bawang dyus / at ang turmeric dyus
‎at maya-maya lang, / agad naglabasan
‎yaong nasa puwet, / anong kainaman
‎guminhawa agad / itong pakiramdam
‎gayong sa ta-kubets, / isang oras naman
‎ang mga herbal dyus / ay kaylaking tulong
‎at di na masakit / itong aking tumbong
‎salamat, salamat / at ito'y humantong
‎sa damang ginhawa, / búhay ko'y sumulong
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.13.2026