Huwebes, Marso 13, 2025

Ang editorial cartoon ng The Manila Times

ANG EDITORIAL CARTOON NG THE MANILA TIMES

tingni yaong editorial cartoon
ng The Manila Times, anong nar'on
nag-apiran pa at nalulugod
ang narco-politician at drug lord

subalit wala na sa palasyo
ang nadakip na dating pangulo
anong kanilang ikinatuwa?
tila sa kural ba'y nakawala?

editoryal ay parang sinabi
tama ang ginawa ni Duterte
sa kanyang gera laban sa droga
wastong pinaslang ang durugista

subalit kayrami nang nautas
kahit walang proseso ng batas
kayraming mga inang lumuha
at buhay na kay-agang nawala

may warrant of arrest ang ICC
sa kasong crime against humanity
buti si Duterte, may due process
ang dukha'y pinaslang nang kaybilis

- gregoriovbituinjr.
03.13.2025

* litrato mula sa The Manila Times, Marso 13, 2023, p.A4
* ICC - International Criminal Court

Mona Lisa at Marian Rivera

MONA LISA AT MARIAN RIVERA

nasa Megamall ako'y nakita
ang painting na ala-Mona Lisa
o kaya nama'y litrato pala
ng animo'y naka-Maria Clara
iyon pala'y si Marian Rivera

teka muna, ano ba ang meron
at puso ko'y tila umaalon
kunwari artista'y naroroon
wala lang, at walang ibang layon
kundi masaya't nag-selfie roon

ako sana'y patawarin ninyo
kung sa diyosa'y nag-selfie ako
minsan lang namang mangyari ito
at sumaya naman ang araw ko

- gregoriovbituinjr.
03.13.2025

Payo sa tulad kong Libra

PAYO SA TULAD KONG LIBRA

horoscope nga'y bihira kong basahin
subalit ngayon, ako'y napatingin
aba, ang payo sa tulad kong Libra
tila payo sa mga aktibista

na "Talasan ang pakiramdam lalo
sa mga mapang-abuso." ay, opo!
dinagdag pa, "Huwag kang tatahimik
kapag may nakita kang mali." korek!

ganyan nga ako kaya isang tibak
ayaw kong masa'y gumapang sa lusak
dapat lahat, kasama sa pag-unlad
at pinunong bugok, dapat ilantad

sistemang bulok ay dapat palitan
at itayo'y makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.13.2025

* mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 13, 2025, p.7

Almusal

ALMUSAL

nakakagutom sa madaling araw
kaya bumili muna ng pandesal
mamaya lang, puputok na ang araw
habang nariritong nag-aalmusal

nalilirip ay samutsaring paksâ
hinggil sa buhay at isyu ng masa
bakit naghihirap pa rin ang dukhâ?
bakit ba nagdidilim ang umaga?

bakit salot ang kontraktwalisasyon?
bakit manggagawa'y di maregular?
tibak na Spartan ba'y anong misyon
bakit ba trapo'y pulos lang paandar?

maraming napagninilayang kwento,
tula't sanaysay habang kumakain
ng pandesal, anong linamnam nito
ang tibak nga'y nagiging malikhain

- gregoriovbituinjr.
03.12.2025