Miyerkules, Nobyembre 25, 2009

Tigbak

TIGBAK
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

maraming mamamayan ang dinedo
mga buhay nila'y agad naglaho
tumagas sa lupa'y kayraming dugo
at butas-butas ang maraming bungo

tinigbak sila ng mga berdugo
nang mapigilan ang pagkandidato
sa pagkagobernador sa gobyerno
ng mga karibal nila sa trono

nag-aagawan sila sa upuan
kaya mga biktima'y tinambangan
naulol kasi sa kapangyarihan
yaong mga halimaw at gahaman

dahil sa upuan, sila'y tinigbak
dahil sa trono, sila'y napahamak
at mga labi nila'y itinambak
agad ibinaon doon sa lusak

dugo'y pinatagas sa Magindanaw
ng mga salaring pawang halimaw
kaya't mamamayan na'y sumisigaw
katarungan ay dapat maipataw

Kaytinding Masaker

KAYTINDING MASAKER
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

karumal-dumal ang naganap na masaker
mahigit limampung bangkay ang narekober
pangyayaring ito'y tila gawa ni Hitler
dinurog na ang mga biktimang inander
talagang walang awa yaong nasa poder
na tingin sa sarili'y sila'y mga pader
mamamahayag pa't sibilyan ang minarder
tinadtad ng mahahabang baril, rebolber
may kagagawan nito'y dapat sumurender
o kaya'y itapon sa lungga ni Lucifer

Balaraw sa Pusod ng Tag-araw

BALARAW SA PUSOD NG TAG-ARAW
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
8 pantig bawat taludtod

tinarakan ng balaraw
yaong pusod ng tag-araw
ng wari'y mga halimaw

marami ang nag-iyakan
nang pangyayari'y malaman
at di mapaniwalaan

nangyari nga ba ang gayon
sabi ng marami't miron
bakit ba sila nilamon

para bang di nagmamahal
yaong may salang pusakal
na dugo ang iniluwal

tag-araw sa lupang tigang
nang pusakal ay nanambang
at marami ang pinaslang

sala nila'y di masukat
nang binura ang kabalat
sadyang nagulat ang lahat

lahat ng tao'y nayanig
ang mga puso'y nanginig
wala na nga bang pag-ibig

sadyang karima-rimarim
ang likhang ito ng lagim
ito'y di maililihim

dapat pa nga bang isilang
silang kaluluwa'y halang
mundo nga'y nagulantang nang

tinarakan ng balaraw
sa bayan ng Maguindanao
yaong pusod ng tag-araw

Nagkulay Dugo ang Lupa sa Timog

NAGKULAY DUGO ANG LUPA SA TIMOG
Maguindanao Masaker, 112309
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

nagkulay dugo ang kalupaan sa timog
nang biglang mag-amok ng namununong hambog
na may kontrol sa buo nilang lalawigan
na hinamon nitong karibal sa halalan
kaya kaaway sa pulitika'y dinumog
higit limampung tao'y pinaslang, dinurog

sa timog, nagkulay dugo ang kalupaan
ang totoo'y hindi nila kayang itago
lalabas at lalabas ang katotohanan
na lupa sa timog binahiran ng dugo
sadyang kakila-kilabot ang kamatayan
ng mga sibilyan sa lupang baku-bako

kalupaan sa timog ay nagkulay-dugo
pamilya ng karibal, inubos, pinatay
laksang mamamahayag, binasag ang bungo
katarungan nawa’y makamit nilang tunay
sadyang nagdurugo itong aming mga puso
mga berdugo'y dapat hatulan ng bitay

sa timog, ang lupa'y dugo na ang kakulay
doon nagkasayahan ang mga demonyo
na kayhahaba ng mga buntot at sungay
bansa't mundo'y nayanig sa balitang ito
na panawagan ay hustisya sa namatay
dapat mabitay ang may kagagawan nito

Maguindanao, Nobyembre 23, 2009

MAGUINDANAO, NOBYEMBRE 23, 2009
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mga limang sasakyan noon ang tumahak
at nilalandas nila ang Shariff Aguak
nang sa Comelec kandidatura'y ilagak
ngunit sila'y tinambangan at napahamak

walang habag na tinadtad sila ng bala
hanggang walang isa mang buhay ang matira
ito'y karahasan ngang gumimbal talaga
sa mundo pagkat damay pati dyornalista

bakit kailangang patayin ang kalaban
sa pulitika gayong may eleksyon naman
upang makuha nila ang kapangyarihan
at tiyaking sila'y manalo sa halalan

sino mang maghari doon sa lalawigan
posisyong pinakamataas ang hawakan
siyang ituturing na makapangyarihan
at siyang karapat-dapat lamang igalang

ngunit kayraming dyornalista ang tinadtad
ng bala kasama abogado't may edad
mga babae'y di rin nila pinatawad
sabi pa sa ulat, meron pang nakahubad

ang araw na iyon ay araw nga ng lagim
panahon iyong dapat nating ipanimdim
ang pagkamatay nila'y nakaririmarim
at hindi madalumat ng aking sagimsim

mahigit limampung katao ang pinaslang
di na yata tao kundi halimaw lamang
ang nagpakana ng ganoon at lumalang
mga kaluluwa nila'y sadya ngang halang

ilang araw lang bansa'y muling kinilala
dahil kina Pacquiao, Efren Peñaflorida
ngayon ang bansa'y tapunan muli ng puna
dahil sa mga pinaslang sa pulitika

dapat hulihin na at sa hustisya'y dalhin
ang gumawa't utak nitong kaytinding krimen
ang ginawa nila'y di dapat palagpasin
at kung kinakailangan sila'y bitayin

sa nangyaring ito'y maraming natulala
dahil sa kapangyarihan, nagwalanghiya
dapat hulihin lahat ng mga may sala
dalhin sa hustisya ang mga may pakana