BAGO NAGING BAYANI, SILA MUNA'Y AKTIBISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
pinupuri ng bayan ang mga naging bayani
dahil tinulungan ang bayan, di makasarili
inalay ang sariling buhay para sa marami
iba’y sa bansa, iba’y sa manggagawa nagsilbi
batid nyo ba yaong pinagdaanang buhay nila
bago naging bayani, sila muna'y aktibista
pinag-aralan ang lipunan, lalo ang sistema
kalayaan at pagbabago’y kanilang ninasa
nilabanan ang mananakop, buhay ma'y mapigtal
yaong bayani lang ba'y sina Bonifacio't Rizal
kung iyan lang ang alam mo, magsuri ka't mag-aral
ang kasaysayan ng bayan sa isip ay ikintal
bayani ba sa iyo ang traydor na Aguinaldo
na nag-utos patayin sina Andres Bonifacio
at Heneral Luna, kasaysayan nga'y basahin mo
si Rizal nga'y ayaw kilanlin ng Katolisismo
Jose Rizal, Marcelo del Pilar, at Lopez Jaena
sa España'y nakilalang mga propagandista
Bonifacio’t Jacinto’y Katipunan yaong dala
namatay silang bigong kalayaan ay makita
bayani ng bayan si Crisanto Evangelista
Sakay, Asedillo, Popoy Lagman, Ka Bert Olalia
Ka Amado, Hermenegildo Cruz, at marami pa
lider-manggagawang tunay na nagsilbi sa masa
aktibista sila noon, bayani natin ngayon
Kastila'y kalaban noon, kapitalismo ngayon
marami sa kanila'y namatay sa rebolusyon
adhika’y paglaya ng uri, bayan ay ibangon
silang mga aktibista'y kinilalang bayani
ayaw man ng naghaharing uri, bayan ang saksi
bago nga naging bayani'y aktibistang nagsilbi
sa bayan, sa manggagawa, inalay ang sarili