Martes, Mayo 7, 2024

Dumami ang matataba dahil sa kase-selpon

DUMAMI ANG MATATABA DAHIL SA KASE-SELPON

nakakagulat ba ang nasabing balita
dahil daw sa selpon, dumami ang mataba
baka maghapon sa selpon nakatunganga
kung sila'y nasa taas ay ayaw bumaba

marahil nga'y dahil masayang naglalaro
o nakatingin sa selpon nang nakaupo
ay di na nila mamalayan ang pagtayo
at sa kanilang selpon na nararahuyo

paano ba maiiwasang maging obis
maglakad-lakad, huwag tumambay sa opis
dapat iwasang magkakain ng matamis
upang maiwasan ding magka-diabetes

mataba'y dumami dahil sa kase-selpon
kalusugan n'yo'y huwag hayaang ganoon
kung nakahiga sa kase-selpon, bumangon
tunawin ang taba't maglakad-lakad ngayon

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, ika-5 ng Mayo 2024
* obis - sa ingles ay obese o sobrang mataba

Ayon kay Muhammad Ali

AYON KAY MUHAMMAD ALI

"Bakit ako pupunta ng Vietnam
upang kalabanin iyang Vietcong
di nila ako tinawag na hunghang
kaya di ako magtutungo roon."

"Di naman nila ako inaaway
at di ko rin sila mga kalaban..."
pag ipinadala, siya'y susuway
kapag pinilit ng pamahalaan

sabi ng dakilang Muhammad Ali
hinggil sa giyera ng Amerika
isipin mo, tama naman si Ali
kaya siya'y idolong aktibista

para sa kapayapaan ng mundo
para sa katarungang panlipunan
di lang sa boksing sa kanya'y saludo
kundi rin sa kanyang paninindigan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* litrato mula sa Legends of Boxing page sa pespuk, ika-7 ng Mayo 2024

Tanaga sa baybayin

TANAGA SA BAYBAYIN
(sinubukan po ng inyong lingkod na sulatin sa baybayin ang sumusunod na tanaga)

pulitikong gahaman
ay bentador ng bayan
huwag pagtiwalaan
ng boto sa halalan

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ang tanaga ay tulang katutubo na may isang saknong at may tugma at sukat na pitong pantig sa bawat taludtod

Pabalbal na ulat sa diyaryo

PABALBAL NA ULAT SA DIYARYO

balita: Kelot dinedbol sa haybol
salitang kalye, o kaya'y pabalbal
na minsan di mo agad maunawa
kung di ka sanay sa ganyang salita

ginamit sa tabloid na pahayagan
ganito talaga ang kahulugan:
Isang lalaki, pinatay sa bahay
unawa agad sa pamagat pa lang

sa ingles ay islang, salitang kalye
pagbaligtad ng salita ang siste
o kaya'y binuo ng isang pangkat
upang may sariling pagkakilanlan

ang Sino ba sila? - Nosi Ba Lasi
father ay erpat, kelot ay lalaki 
mother ay ermat, bebot ay babae
petmalu, malupit, idol ay lodi

dehins ka pa goli, ho-maba ka na
huwag kang epal, at wala kang werpa
hoy, may parak, baka mahulidap ka
kosa mo sa hoyo, umeskapo na

kung di mo maunawa, basahin mo
ang balitang nilatag sa diyaryo
nang sa gayon ay iyong mapagtanto
ang binalita ng tambay sa kanto

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-7 ng Mayo, 2024, pahina 3

Palaisipan

PALAISIPAN

kayraming palaisipang dapat masagot
kaya ang noo natin ay pinagkukunot
tanong minsang sa puso't diwa'y kumukurot
pag di ka makatugon, nakapanlalambot

may mga tanong sa krosword, maging sa klima
na madalas di magkasundo sa siyensya
kaya minsan, ikaw na lang ang magpasensya
kung tugon ay madadala ba ng konsensya

ang kahulugan ng salita'y hahanapin
aklatan at kalupaa'y hahalughugin
kung marapat, mga bundok ay liliparin
ilalim man ng dagat ay gagalugarin

noong unang panahon, walang eroplano
subalit may kometang pumasok sa mundo
anong tugon dito ng sinaunang tao
noon pa'y palaisipan ang mga ito

ang mahalaga'y may makuha tayong tugon
inaral man iyon ng mga aghamanon
may bagong tuklas sa pagdaan ng panahon
na mababatid din ng tao sa paglaon

- gregoriovbituinjr.
05.07.2024