Miyerkules, Nobyembre 3, 2010

Hustisya'y Hagilapin

HUSTISYA'Y HAGILAPIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

"The dead cannot cry out for justice; it is a duty of the living to do so for them." ~ Lois McMaster Bujold, Diplomatic Immunity, 2002

marami na silang pinaslang
humihingi ng katarungan

ngunit wala silang magawa
pagkat nalibing na sa lupa

kaya sino ang maghahanap
sa hustisyang di mahagilap

kundi tayong naritong buhay
na tulad nila'y nalulumbay

hustisya'y ating hagilapin
ito'y isa nating tungkulin

sila'y wala nang magagawa
upang ang hustisya'y mapala

tayong buhay ang maghahanap
sa hustisyang pinapangarap

Inhustisya sa Lumang Sistema

INHUSTISYA SA LUMANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

If it were not for injustice, men would not know justice. ~ Heraclitus (540 BC - 480 BC)

nalalaman ng tao ang hustisya
pagkat may naganap na inhustisya
lalo na't nasaktan ang puso nila
di maatim ang pagsasamantala

manggagawa'y di mabayarang tama
ng halaga nitong lakas-paggawa
kapitalista'y laging nanunuba
kapital ay tila kasumpa-sumpa

maralita'y laging dinedemolis
ng mga elitistang kaybabangis
ang tingin sa kanila'y parang ipis
na sa kalunsuran dapat matiris

pati reproduktibong karapatan
na dapat sa mga kababaihan
ay tinututulan nitong simbahan
tila babae'y walang karapatan

magsasaka'y araro ng araro
wala pa ring sariling lupa ito
habang busog ang mga asendero
sa mga pesanteng nagtatrabaho

sa gobyerno'y laganap ang tiwali
pnahihintulutan kahit mali
mga trapo'y di dapat manatili
sa gobyernong ginawa nang pusali

pinaslang na aktibista'y kayrami
pamahalaa'y tila walang silbi
nasa posisyon ay kayraming imbi
sa inhustisya'y kayrami ng saksi

nasaan ang hustisya, nasaan na
para sa mga obrero't masa
mahahanap ba sa lumang sistema
ang hinahagilap nating hustisya

Oda sa Batang Kinagat ng Dilim

ODA SA BATANG KINAGAT NG DILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
6 pantig bawat taludtod

bagang niya'y tiim
at mukha'y umasim
nang ang isang bata'y
kinagat ng dilim
may pangil ang lagim
nakaririmarim
at siya'y nanindim