Linggo, Mayo 5, 2024

Mag-ingat sa heat stroke

MAG-INGAT SA HEAT STROKE

napakatindi na ng heat stroke
at marami na ang nangamatay
araw sa balat na'y nakatutok
kaya tulad ko'y di mapalagay

tayo'y mag-ingat, mga katoto
baka sa init ay magkasakit
pinagpapawisan di lang noo
kundi katawan na'y nanlalagkit

ay, iba na ang ating panahon
pagkat papainit na ang klima
kahit magtago ka pa sa aircon
init ay susundan ka talaga

magdala ng tubig pag lalabas
upang sa init ay may mainom
tiyak madarama mo ang banas
ng kaibuturan ng panahon

huwag hayaang basta pawisan
at matuyo ang pawis sa likod
damit o sando'y agad palitan
lalo't init na ang humahagod

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* tula batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, ika-5 ng Mayo, 2024

Maligayang ika-206 Kaarawan, Ka Karl Marx

HAPPY 206TH BIRTHDAY, KA KARL MARX

"The philosophers have only interpreted the world, in various ways. The point, however, is to change it." - Karl Marx

naglinaw ang mga palaisip
pinaliwanag lang ang daigdig
sa maraming paraan nilirip
ang punto'y baguhin ang daigdig

isa iyong kaygandang pamana
sa manggagawa't pilosopiya
baguhin ang bulok na sistema
upang hustisya'y kamtin ng masa

Karl Marx, maligayang kaarawan!
salamat sa wika mong tinuran
pamanang dapat naming gampanan
nang maging patas ang kalagayan

itayo'y sistemang makatao't
asam na lipunang sosyalismo

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* litrato mula sa google

Ang kontraktwal, ayon sa editoryal ng Bulgar

ANG KONTRAKTWAL, AYON SA EDITORYAL NG BULGAR

kontraktwalisasyon nga'y talagang pahirap
sa mga manggagawang lagi nang kontraktwal
mga nangangasiwa'y sadyang mapagpanggap
dahil obrero'y ayaw nilang maregular

sa dyaryong Bulgar, editoryal nila ngayon
na kontaktwal ay tutulungan ng gobyerno
obrerong naglingkod ng higit sampung taon
sa gobyerno'y mareregular nang totoo

dapat may career service eligibility
at dapat ipasa ang civil service exam
at may mataas na puntos ang aplikante
nang sila'y maging Civil Service Professional

paano yaong nasa pribadong kumpanya
na kayrami ring kontraktwal na manggagawa
na kung nakaanim na buwan sa pabrika
ay dapat regular na ngunit  di magawa

anang editoryal, sana'y di ito budol 
dahil tulong na sa kontraktwal na kawani
tanggalin ang salot na kontraktwalisasyon
upang sa manggagawa'y tunay na magsilbi

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* tula batay sa editoryal ng pahayagang Bulgar, ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 4

Retirement pay, nakuha matapos ang mahigit dalawang dekada

RETIREMENT PAY, NAKUHA MATAPOS ANG MAHIGIT DALAWANG DEKADA

tila obrero'y kaaba-aba
na dalawampu't lima'y patay na
mahigit nang dalawang dekada
nang retirement pay nila'y makuha

sandaan apatnapu't lima ring
manggagawa ng IBC-13
silang naghintay nang kaytagal din
upang retirement pay nila'y kamtin

marami sa kanila'y maysakit
kaya retirement pay magagamit
lalo sa panahong sila'y gipit
pambili ng gamot, maintenance kit

bakit kaytagal nitong umusad
higit dalawang dekadang singkad
ang nakalipas bago magbayad
itong kumpanya sa komunidad

ng obrerong nagsipagretiro
na dapat mabayarang totoo
pagpupugay sa mga obrero
kaytagal man, tagumpay din ito

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, ika-5 ng Mayo, 2024, pahina 2