Linggo, Setyembre 6, 2009

Hapi Bertdey kay Ermat

HAPI BERTDEY KAY ERMAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(alay sa aking ina sa kanyang ika-63 kaarawan, Setyembre 6, 2009)

hapi bertdey muli sa aking ermat
pagbati mula sa anak na tapat
na nung bata pa ako'y sadyang payat
palagi pang napapalo ng patpat

dahil sa aking kakulitan noon
palibhasa'y laging naglilimayon
para raw akong wala nang ambisyon
ngunit sa akin ito'y naging hamon

ang payo ni ermat ako'y magsipag
buhay ko'y dapat hindi maging hungkag
may sinabi siyang aking nilabag
pagkat naging aktibistang matatag

ako'y mapalad siya'y aking ina
kahit di siya utak-aktibista
desisyon ko'y naunawaan niya
pagkat ngayon ako'y lingkod ng masa

hapi bertdey sa iyo, aking ermat
sa iyo'y maraming pasasalamat
ang samahan nati'y di nagkalamat
kahit ako sa kilusan mas tapat

pagkat ang hangad ko'y pangkalahatan
para sa pagbabago ng lipunan
si ermat nga ako'y pinapayuhan
sa nilalandas ko'y mag-ingat naman

kikilos ako kasama ng dukha
ng kapwa tibak, at ng manggagawa
pagkat pagbabago'y aming adhika
upang bayang ito'y maging malaya

dito na ako nagpapakahusay
kikilos ako kahit na mamatay
salamat sa mga suporta, inay
sana sa huli kami'y magtagumpay

Ang Matandang Sawimpalad

ANG MATANDANG SAWIMPALAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang matanda'y nagtutulak ng kariton
upang maghanapbuhay kay agang bumangon
habang anak inuuk-ok ng malnutrisyon
tila sila'y nabubuhay pa sa kahapon

tila ba panahon matapos ang digmaan
laban sa mga Hapon at ibang dayuhan
ang tulad nilang dukha'y kapos kapalaran
nagugutom sa kabila ng kaunlaran

pagsapit ng gabi'y magsusuklob ng kumot
sa kariton ay magtitiis mamaluktot
kahit walang kinain at lalambot-lambot
kahit nabusog lamang sa ragbi at gamot

sila'y api pagkat laging inaasikan
ng kanilang nakakasalubong sa daan
parang sila'y di tao't isang bagay lamang
tila mabuhay ay di nila karapatan

sila'y maagang gigising muling lalayas
tulak ang karitong bahay ay nilalandas
ang anumang pook sa mundong di parehas
at pinaghaharian ng mga balasubas

yaong matanda'y nagtutulak ng kariton
upang maghanapbuhay kay agang bumangon
habang anak inuuk-ok ng malnutrisyon
nabubuhay ng dukha ang pamilyang iyon

sa paglalakad, mamumulot ng basura
iipunin ang mga ito't ibebenta
nang makabili sila ng pagkaing mura
nang maibsan naman ang kagutuman nila

ang kalagayan nilang sawing kapalaran
tila di nakikita ng pamahalaan
katulad din ng iba nating kababayan
silang mga dukha'y agad pandidirihan

patuloy siyang naglalakad, nangangarap
kahit sa pamumulot, siya'y nagsisikap
nag-iisip ding kahit na sila'y mahirap
ay mapapawi rin yaong lambong ng ulap

maiibsan lang ang kanilang kahirapan
kung tuluyang babaguhin itong lipunan
kung saan lahat ng tao'y nagbibigayan
at iginagalang ang lahat ng karapatan

Akala mo'y katropa, iyon pala'y trapo

AKALA MO'Y KATROPA, IYON PALA'Y TRAPO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

pag-ingatan mo, bayan, itong mga trapo
pagkat nag-aasta nang sila'y katropa mo

ngayon nga'y kay-aga nang nangangampanya
sa telebisyon agad nang nagpapakita

infomercials itong pinagkaabalahan
nang mga tao'y agad silang matandaan

imbes na sila'y magtrabaho ng maayos
oras nila'y sa infomercials nauubos

pangako nila'y tutulong sa problema
nitong bayan at naghihikahos na masa

ngunit sa bawat halalang ipinangako
ay di natutupad at madalas mapako

ang kahirapan ng masa'y ramdam daw nila
kaya ipagtatanggol daw nila ang masa

katropa raw silang dapat ipagmalaki
ng masa't sa lunsod nila'y lahat ay libre

ngunit sadyang kay-aga nilang nangampanya
akala mo'y katropa ngunit trapo pala

sila raw nama'y marapat maging pangulo
pagkat adhika raw nila'y para sa tao

kunwari sila'y walang kaibi-kaibigan
ngunit interes pala'y ang kaban ng bayan

pawang sariling interes ang nasa utak
kaya mga tao'y laging napapahamak

ilang mga trapo nang nagpapalit-palit
pare-pareho lang sila't nakagagalit

kaya ang masa'y di na dapat magpabola
sa mga pulitikong sadyang walang kwenta

tanging hangad nila'y mga boto ng tao
nang sila'y maihalal at maging pangulo

mga trapo'y dapat lang mawalang tuluyan
masa'y magkaisang baguhin ang lipunan