Linggo, Setyembre 6, 2009

Ang Matandang Sawimpalad

ANG MATANDANG SAWIMPALAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

isang matanda'y nagtutulak ng kariton
upang maghanapbuhay kay agang bumangon
habang anak inuuk-ok ng malnutrisyon
tila sila'y nabubuhay pa sa kahapon

tila ba panahon matapos ang digmaan
laban sa mga Hapon at ibang dayuhan
ang tulad nilang dukha'y kapos kapalaran
nagugutom sa kabila ng kaunlaran

pagsapit ng gabi'y magsusuklob ng kumot
sa kariton ay magtitiis mamaluktot
kahit walang kinain at lalambot-lambot
kahit nabusog lamang sa ragbi at gamot

sila'y api pagkat laging inaasikan
ng kanilang nakakasalubong sa daan
parang sila'y di tao't isang bagay lamang
tila mabuhay ay di nila karapatan

sila'y maagang gigising muling lalayas
tulak ang karitong bahay ay nilalandas
ang anumang pook sa mundong di parehas
at pinaghaharian ng mga balasubas

yaong matanda'y nagtutulak ng kariton
upang maghanapbuhay kay agang bumangon
habang anak inuuk-ok ng malnutrisyon
nabubuhay ng dukha ang pamilyang iyon

sa paglalakad, mamumulot ng basura
iipunin ang mga ito't ibebenta
nang makabili sila ng pagkaing mura
nang maibsan naman ang kagutuman nila

ang kalagayan nilang sawing kapalaran
tila di nakikita ng pamahalaan
katulad din ng iba nating kababayan
silang mga dukha'y agad pandidirihan

patuloy siyang naglalakad, nangangarap
kahit sa pamumulot, siya'y nagsisikap
nag-iisip ding kahit na sila'y mahirap
ay mapapawi rin yaong lambong ng ulap

maiibsan lang ang kanilang kahirapan
kung tuluyang babaguhin itong lipunan
kung saan lahat ng tao'y nagbibigayan
at iginagalang ang lahat ng karapatan

Walang komento: