Sabado, Agosto 1, 2009

Pagsampalataya sa Manggagawa

PAGSAMPALATAYA SA MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tayo'y dapat sumampalataya
sa kakayahan ng manggagawa
na tatanganan nila ang diwa
ng sosyalismong inaadhika

una tayong dapat maniwala
na manggagawa'y may magagawa
sa pagbago ng lipuna't bansa
pagkat sila ang mapagpalaya

kung di tayo sasampalataya
sa ating hukbong mapagpalaya
tayo na ang unang sumisira
sa prinsipyong ating pinanata

o, kayo nga, uring manggagawa
ang siyang hukbong mapagpalaya
kami sa inyo'y naniniwala
sa kayrami ninyong magagawa

kami nga'y sumasampalataya
na kikilos kayo't naghahanda
para tuluyan ninyong malikha
ang isang daigdig na malaya

Bawat Kasama'y Kapuso't Kapamilya

BAWAT KASAMA'Y KAPUSO'T KAPAMILYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

bawat kasama'y kapuso't kapamilya
nagkakaisa sa diwang sosyalista
tayo'y sabay-sabay na nakikibaka
upang baguhin ang bulok na sistema

sa kilusan, bawat kasama'y kapuso
pagkat nakataya'y buhay nati't dugo
hinaharap natin kahit mga punglo
naninindigan mabasag man ang bungo

ating kapamilya ang bawat kasama
pagkat iisa ang likaw ng bituka
sama-samang nangangampanya sa masa
sama-sama rin sa pag-oorganisa

halina, kasama't humayo na tayo
sa pagsulong ng adhikang sosyalismo
puno man ito ng mga sakripisyo
sa pagkakaisa tayo'y mananalo

Pag Tao'y Nagigipit

PAG TAO'Y NAGIGIPIT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

ang tao raw na nagigipit
ay pulos dusa, luha't impit
pagkat kapalarang kaylupit
yaong sa kanya na'y sumapit

ang lupain nila'y inilit
at sa krimen pa'y idinawit
parang wala na siyang bait
sa mga problemang lumapit

hanggang saan kaya sasapit
ang buhay niyang pulos sakit
anong paraang magagamit
upang maibsan yaong pait

ang tanong sa sarili'y bakit
nangyayari'y ganitong pilit
sa swerte ba'y makakahirit
ang mga tulad niyang gipit

sa isip lagi'y umuugit
bakit kapalara'y kaypait
kailan kaya makakamit
ang kaalwanang pinagkait

paano iibsan ang galit
sa dibdib niyang nagngingitngit
hanggang sa utak na'y gumuhit
na sa patalim na'y kakapit

Gamitin Mo'y Wika ng Masa

GAMITIN MO'Y WIKA NG MASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung organisador ka't nagpunta ng Sebu
aba'y pag-aralan ang wikang Sebuwano
salitain mo ang kanilang diyalekto
lalo na kung kampanyador ka't hindi loko

kung napunta ka naman sa lupang Iloko
pag-aralan mo rin ang wikang Ilokano
di dapat mangibabaw ang wika ng dayo
kundi gamitin ang sariling wika dito

kung nasa Pampanga ka'y iyong pag-aralan
ang kultura doon at wikang Kapampangan
kung ikaw naman ay napadpad sa Bulacan
wika doon ang gamitin sa talakayan

bawat organisador, mapadpad saan man
ang una nilang dapat sunding patakaran
ay ang pag-aralan kaagad ng mataman
ang diyalekto doon, pati kalinangan

ang wika ng masa ang gamitin sa masa
ito'y batas ng magaling mag-organisa
gamitin mo ang sariling salita nila
upang maging epektibo pati kampanya

kaya dapat nating pag-aralang maigi
ang wika natin at diyalektong sarili
gamitin natin ito sa ating katabi
sa kausap, kasama't pinipintakasi

kung kampanyador ka't naririto sa bansa
o organisador kang pagbabago'y pita
aba'y wika ng masa'y dapat winiwika
at huwag kang umastang isa kang banyaga

ang asong ngumingiyaw ay huwag gayahin
na sa masa'y ibang wika ang gagamitin
dahil mukha ka lang palalo't palamunin
wala kang silbi sa masa't di ka diringgin

Hoy, Inglesero

HOY, INGLESERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

hoy, inglesero, nandidiri ka ba rito
kaya ingles lagi ang sinasalita mo
nandidiri ka ba sa mga Pilipino
nakakainis na ang mga pa-Ingles mo

aba'y lumayas ka na nga sa bansang ito
magpunta na kay Tiyo Sam na idolo mo
halikan mo ang kanyang tumbong, Inglesero
kung nandidiri ka sa wikang Filipino

may pobya kunyari sa wikang gamit dito
hoy, ulol, bolahin mo ang mga lelang mo
di namin kakagatin ang pain mong ito
para lang makaisa ka't igalang dito

sa ingles ka ba nanghihiram ng respeto
aba'y kawawa ka naman, kababayan ko
akala'y igagalang kahit ikaw'y gago
kaya sa ingles nanghihiram ng respeto

sabagay iba nga pala sa bansang ito
sinasaluduhan ang mga Inglesero
ngunit kung nais mo talaga ng respeto
aba, salitain mo'y wikang Filipino

magkapilipit-pilipit man ang dila mo
sa pagtityaga, ikaw rin ay matututo
kung di mo gagamitin, aba'y tangina mo
kung ayaw mo pa rin, umalis ka na rito