sa pagpinta'y nakibahagi si Ate Juliet
sa may dingding, sa larawan ng nagngangalang Agit
ang pampintura'y buong pagmamahal niyang bitbit
sadyang aming dama ang kanyang pagmamalasakit
hinahagod ng kamay upang sining ay mabuo
habang sa dibdib ay dama ang luhang tumutulo
alaala iyong tunay ngang nakasisiphayo
pagkat ang nasa larawan, sa Yolanda'y naglaho
ngunit dapat ipinta, ang mensahe'y ipaalam
na nagbabagong klima'y tunay, di agam-agam lang
na tayo'y magsikilos, bawat isa'y makialam
pagkat tayo'y iisa, iisa't may pagdaramdam
tila bihasa, sa hagdang mataas pa'y umakyat
ang ibinahagi nyo'y sadyang dama naming sukat
sa inyo po, Ate Juliet, maraming salamat
at sa iba pang nagbahagi ng talento't lahat
- gregbituinjr.
- sa Point Ephemere, Disyembre 6, 2015, nang tapusing ipinta ni kasamang AG Saño ang larawan ng kanyang kaibigang si Agit na namatay kasama ang buong pamilya sa Tacloban sa kasagsagan ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 13, 2013