15 pantig bawat taludtod
pinta sa dingding, alay ng kasamang A.G. Saño
larawan iyon ng namayapang Agit Sustento
isa sa libu-libong nangawala sa Tacloban
dahil sa Yolandang sakdal lupit sa mamamayan
sa kaylaking pader, ipinintang dalawang araw
kayraming nagtulong-tulong, bawat isa'y humataw
mababakas mo sa kanila ang pusong may tuwa
kahit ang ipininta'y tunay na ikaluluha
gumigiti man ang pawis, mukha'y maaliwalas
mga pagtulong nila'y walang halagang katumbas
kundi saya sa pusong nakatulong sa hangaring
ipaalala sa mundo ang nangyari sa atin
na mula Tacloban hanggang Guiuan ay nanalanta
ng libu-libong pamilyang winasak ni Yolanda
magkasama ang magkaibigang A.G. at Agit
ilang oras bago dumatal ang unos ng lupit
naghiwalay sila pagkat maggagabi na noon
hanggang dumating yaong si Yolanda't nandaluyong
libu-libo ang nilamon ng animo'y buwitre
unos na lumipol, kapara'y kaylaking tsunami
buong pamilya ni Agit ay nangawalang sukat
kasama pati ang kayraming di na naiulat
pinta sa dingding, alay ng kasamang A.G. Saño
paggunita iyon sa nawalang Agit Sustento
- gregbituinjr.
- sa Point Ephemere sa Paris, Disyembre 6, 2015, nang ipinta ni kasamang AG Saño ang larawan ng kanyang kaibigang si Agit na namatay kasama ang buong pamilya sa Tacloban sa kasagsagan ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento