Lunes, Hunyo 1, 2009

Igagawa Kita ng Tula

IGAGAWA KITA NG TULA
ni Matang Apoy
12 pantig
(tugon sa pagbati ng isang babaeng taga-multiply)

o salamat, salamat din ng marami
sadyang iniingatan ko ang sarili
upang makagawa pa rin naman dini
ng mga tulang nililikha sa kasi

ninanais mo bang ikaw ay handugan
ng mga tulang para sa ating bayan
o nais mo'y tula ng pag-iibigan
turan mo at ikaw ay aking gagawan

ito lang naman ang aking nagagawa
ang maghandog sa inyo ng abang tula
igagawa kita ng tulang may luha
o kaya naman mga tulang may tuwa

ingat ka lagi, o aking kaibigan
lalong lalo na ang iyong kalusugan

Tulang Panunaw

TULANG PANUNAW
ni Matang Apoy
10 pantig bawat taludtod

habang guniguni'y nagsasayaw
ang pabango'y umaalingasaw
habang sa orasan nakatanaw
si manang na panay ang tungayaw

bakit daw ngipin niya'y nalusaw
sa kagutuman at pagkauhaw
gayong doon sa pinggang mapusyaw
ay may maiinom siyang sabaw

pasensya kung tula ko'y mababaw
katatapos lang kasing maglugaw
pagkat habang ako'y humahataw
ay merong palang pumapalahaw

gayunman, kahit ako'y pumanaw
tulang palabiro ko'y panunaw

Pagdiga ng Putik

PAGDIGA NG PUTIK
ni Matang Apoy
9 pantig

langit at lupa ang pagitan
ng dyosa at ng karaniwang
taong tulad kong sumasamba
sa sinisinta kong dalaga

putik nga akong umiibig
sa dalagang nagpapapintig
niring pusong kong naaantig
sa kanyang may magandang tinig

ako'y napabuntung-hininga
putik akong walang halaga
ang masasabi ko lang, sinta
iniibig kita, o, dyosa

Ako Man ay Putik

AKO MAN AY PUTIK
ni Matang Apoy
10 pantig

oo, ako'y isang putik lamang
na laging inaapak-apakan
pati dangal pa'y niyuyurakan
nitong mga burgis at gahaman

ngunit ang di nila alam, pare
na nakukuha lang ang dyamante
sa mga putikan at pusali
kung saan sila ay nandidiri

putik nga lang ako't hampaslupa
na lagi nilang kinakawawa
sa harapan nila'y di luluha
di rin ako magmamakaawa

putik na walang ginhawang lasap
pagkat ang gobyerno'y mapagpanggap
na di tinatapunan ng lingap
ang mga kababayang mahirap

putik man ako kung iisipin
ngunit tulad ng iba'y tao rin
na may dangal, isip at damdamin
na di dapat nilang mamatahin

pagkat ako'y totoong lalaban
huwag lang dangal ko'y yuyurakan
ipagtatanggol ang karangalan
kahit ako'y makipagpatayan