ANG PAGPEPEDIKAB MAN AY
MARANGAL NA HANAPBUHAY
mumo lang kung tutuusin ang kinikita nila
sa paghatid ng pasahero, tanggap nila'y barya
sariling kayod upang makakain ang pamilya
ngayon, kabuhayan nila'y napagdiskitahan pa
ang pagpepedikab ay marangal na hanapbuhay
sa tatlong gulong man, may ngiti silang nasisilay
araw-gabi'y nagsisikap na magtrabahong tunay
ngayon, bakit kabuhayan nila ang niluluray
kung yaong bakal na ibon ay malaking negosyo
natatanggap lang ng mga pipit ay pawang mumo
di naman sila mayang paaapi sa kung sino
o baka maging langay-langayan ang mga ito
may karapatang mabuhay ang mga maralita
hayaan silang marangal na magtrabahong kusa
kahit tatlong gulong ay may hatid na ngiti't tuwa
pagkat marangal ang ginagawa nila sa madla
- gregbituinjr.