Martes, Marso 4, 2014

Tula sa kaminero

TULA SA KAMINERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di maregular at kadalasang sila'y kontraktwal
ngunit kaysisipag nilang maglinis ng imburnal
mga butas na kalsada'y nilalagyan ng tapal
maghapong nagtatrabaho't kita mong napapagal
sila ang mga kaminero, trabaho'y marangal

sa kalsada'y palagi natin silang nakikita
nagtatabas ng mga damo sa gitna ng Edsa
palad nila'y nagkakalipak na sa kapapala
ng bato't buhanging panambas sa sirang kalsada
isa'y hawak lagi ang palang pamana ng ama

kaminero silang kabilang sa laksang paggawa
marami'y sunog na sa araw ang balat at mukha
karamihan sa kanila'y mas dukha pa sa daga
kayod ng kayod kahit katawan na'y nanghihina
di kasi sila mga regular na manggagawa

ganyan ang buhay nilang kaminerong kilala ko
barungbarong ang tirahan, tabing-ilog ang pwesto
sa kanila, mahirap man ang maging kaminero
kakayod sa trabaho't magtitiyagang totoo
upang pamilya'y maiahon sa hirap sa mundo