Lunes, Disyembre 9, 2013

Paglalakbay para sa mga nasalanta ng Yolanda

PAGLALAKBAY PARA SA NASALANTA NG YOLANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

panahon noon ng Ondoy, kayraming nasalanta
sa taga-Maynila'y tumulong ang taga-probinsya
isang buwang ulan sa loob ng anim na oras
bagyong Ondoy ay nagpalubog sa maraming landas
nangyari sa Leyte't kanugnog ay di akalain
ang Yolanda'y higit tatlong daang beses ang tulin
ngayong taga-probinsya naman ang nangailangan
mga taga-Maynila'y naghandang sila'y tulungan
kami'y sumama't nakipagbayanihang totoo
kahit munti man ay makatulong sa dinelubyo


* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 1, 2013 mula sa Caritas sa Maynila bilang paghahanda sa malayong paglalakbay patungo sa mga sinalanta ng Yolanda sa Leyte

Kahoy na walang lilim


KAHOY NA WALANG LILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

wastong bilin sa Kartilya ng Katipunan:
ang buhay na di ginugol sa wastong dahilan
ay kahoy na walang lilim, di masilungan
sa gitna ng init ng araw, natalupan
dahil walang dangal na sa bayan maiwan

tinangay ni Yolanda yaong mga dahon
ng punong dumanas ng kaytinding daluyong
kayraming winasak ng dambuhalang alon
yaong matatag na puno'y naiwan doon
ulila sa gabing ang buwan ay nalulon

nakita'y sadyang nakadudurog ng puso
masa'y apektado, kayraming natuliro
tila mga pangarap, tuluyang naglaho
ngunit di dapat magpakubkob sa siphayo
mayp ag-asa pa, halina't kita'y tumayo

magsibangon tayo sa kabila ng lagim
ang buhay sa mundo'y di pulos puti't itim
makulay na buhay, atin ding masisimsim
mga bagong puno'y atin ngayong itanim
upang puno'y muling magkaroon ng lilim

* ang larawan ay kuha noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda