Miyerkules, Enero 6, 2010

Kung galit ka sa sistema

KUNG GALIT KA SA SISTEMA
ni Greg Bituin Jr.

kung galit ka sa sistema
huwag mo itong ipakita sa pamamagitan
ng pagpapasabog o paggiba
ng mga gusali o kaya'y
pananakit ng kapwa

kung galit ka sa sistema
pag-aralan mo ang lipunan
unawain mo itong mabuti
mula doon ay magsimula ka
at pangarapin ang pagbabago

Ang Puntod ng Kalikasan

ANG PUNTOD NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

marami na ang nangamatay na puno
at pati hangin ay nakakatuliro
di ko na alam saan tayo patungo
itong kalikasan na'y naghihingalo

paano kung ito'y tuluyan namatay
ang kalikasan ay nagmistulang bangkay
ang puntod nito'y saan ba ilalagay
doon ba sa kung saan tayo humimlay

linaw ng tubig ay tuluyang lumabo
ganda ng kalikasan ay naglalaho
tila puso nito'y talagang nagdugo
pagkasira'y paano ba masusugpo

sino ang maglalagay ng puntod nito
kung wala na ritong nananahang tao
sinong mag-aalay ng bulaklak dito
gayong ulila na ang puntod na ito

Punglo at puso

PUNGLO AT PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bumubuti ang lagay ng sintang amasona
na tinamo sa pakikibaka'y isang bala
malapit sa puso't tagos hanggang kaluluwa
ako'y nanggagalaiti sa sinapit niya

sana ako na lang ang tinamaan ng punglo
upang di na natuliro itong aking puso
ayokong ang bala ang sa sinta ko'y gugupo
ayokong pangarap nami'y tuluyang gumuho