Lunes, Pebrero 16, 2015

Luha ng araw

LUHA NG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat araw

nagisnan ko ang araw, lumuluha
siya ba'y hindi na pinagpapala
tila ba pag-ibig niya'y nawala
nasaan na ang minumutyang tala

sakbibi ng lumbay ang abang araw
sa pagkabigo'y nais nang pumanaw
tila siya'y may tarak na balaraw
ano't ang mundo niya'y nagugunaw

luha niring araw anaki'y unos
na buong bayan ay binubusabos
iwing damdamin niya'y nauupos
tao itong dinedelubyong lubos

ano nang palad ang kakaharapin
wala na yaong talang mamahalin
lumisan na't wala sa papawirin
may pagsinta pa kayang paparating