Linggo, Mayo 16, 2010

Sa Pagkatalo nina Grace Padaca at Among Ed

SA PAGKATALO NINA GRACE PADACA AT AMONG ED
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

tatlong taon ang lumipas nang kayo'y nanalo
sa pagka-gobernador diyan sa bayan ninyo
ibinagsak ninyo ang paghahari ng trapo
at sila'y inilampaso ng mga bumoto

kaya sa tatlong taon ninyong panunungkulan
ay maraming nagalit na mga mayayaman
habang pinupuri kayo nitong mamamayan
pagkat kayganda ng rekord na inyong iniwan

ngunit ngayong halalan, kayo na'y di nagwagi
pawang elitista na ang sa inyo'y gumapi
sa bawat halalan, gumagana ang salapi
nandudurog, lumalapa ng sinumang lipi

ngunit huwag damdamin ang inyong pagkatalo
hanga pa rin kami sa mga nagawa ninyo
kayrami pa rin naming naniniwala rito
kaya ituloy nyo ang laban para sa tao

huwag kayong aayaw at naririto kami
patuloy pa rin kayong sa bayan ay magsilbi
halina't ibagsak na ang mga trapong imbi
halina't ibagsak pa ang mga trapong imbi

Noon, Pangulong Marcos, Senador Aquino; Ngayon, Pangulong Aquino, Senador Marcos

NOON, PANGULONG MARCOS, SENADOR AQUINO;
NGAYON, PANGULONG AQUINO, SENADOR MARCOS

ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

dalawang pamilyang kilala sa kasaysayan
dalawang pamilyang noon pa ay magkalaban
noon, mga ama yaong namuno sa bayan
ngayon, mga anak nila'y pinuno ng bayan

noon, Pangulong Marcos at Senador Aquino
ang isa'y pangulo, ang isa'y kinalaboso
isa'y nakadalawangpung taon sa gobyerno
isa'y namatay sa tarmak, binaril sa ulo

ngayon, Pangulong Aquino at Senador Marcos
labanan ng pamilya'y kailan matatapos
paglilingkod ba nila sa bayan malulubos
o maggagantihan ba sa bayang binusabos

kapalaran ba nila'y magbabagong tuluyan
historya ba'y mauulit sa ibang paraan
patatalsikin si Aquino ng taumbayan
pag pinaslang naman si Marcos sa paliparan

ito'y haka-haka lamang ng makatang aba
nang mapansing pwesto ng mga anak at ama
ay nagbaligtad ngayong kaharap nila'y masa
maaari nga bang magbaligtad ang historya?

hindi ko hinihinging dalawa'y magkasundo
ang nais ko lamang sa isip nila'y tumimo
maglingkod silang totoo ngayong nakaupo
kung ayaw nilang bayan sa kanila'y gumupo

Hindi Dilaw ang Pag-asa

HINDI DILAW ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

ngayong nanalong ulo'y dilawan
siya ba ang ating aasahan
siya ba ang pag-asa ng bayan
at tayo ba'y may patutunguhan

pagbabagong tunay ang hangarin
ng mamamayang inaalipin
ng sistemang nais pang pigain
ang ating lakas-paggawang angkin

walang maaasahan sa dilaw
lalo't kung ulo'y tulad ng bangaw
baka asahan pa'y lutong makaw
at sa dayo tayo pa'y mabugaw

hindi, hindi dilaw ang pag-asa
pagkat ang pag-asa'y nasa pula
pula'y kulay ng pakikibaka
pula ang babago ng sistema