DELUBYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
giniba ng daluyong ang lupaing kutad
at bumaha ng dugo sa bayan ng lumad
mga bagay na tinangkang matilad-tilad
kunehong mabilis, kinapoy at tinamad
kaya nanalo ang pagong kahit kaykupad
sa katabing aplaya'y kaylalim ng wawa
na tila binuo ng sang-angaw na luha
paano nga ba paghahandaan ang sigwa
kapara rin kaya ng nagbabadyang digma
kung sinong mauna'y siyang makatatama.
TALASALITAAN:
kutad - lupang tigang o di tinutubuan ng anuman
tilad - pagpira-piraso
kinapoy - nanlata
wawa - dulo ng ilog sa bukana ng dagat
nagbabadya - bantang mangyari