Huwebes, Disyembre 26, 2019

Ang tariya

ANG TARIYA

aba'y ano ang tariya sa ating pulong ngayon?
tinatanong ng kasama ang adyenda ng pulong

may salita naman palang katumbas ang "adyenda"
na mula sa salitang Waray, ito'y ang "tariya"

halina't gamitin ang sariling salita natin
itong wikang Filipino'y atin pang pagyabungin

tara, gamitin ang tariya sa organisasyon
upang maayos nating matupad ang nilalayon

"The agenda of our meeting today is..." ang bilin
"Ang tariya ng ating pulong ngayon ay..." ang salin

kailangan ang tariya sa bawat nating pulong
upang magawa ang plano't matiyak ang pagsulong

- gregbituinjr.

TARIYA - pagtatakda ng gawain (Waray), - sa wikang Ingles ay AGENDA, 
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1232

Palabra de onor

saanmang sulok ng daigdig ay may kasabihan
may palabra de onor kahit pa nabilanggo man
may palabra de onor din kahit magnanakaw man
may isang salitang tutupdin, tapat sa usapan

may palabra de onor din kahit mga birador
ngunit iba'y ayaw tupdin ang palabra de onor
pag walang nakitang pupuntahan ay nagtatraydor
iba'y dahil may ibang sa kanila'y nagmomotor

ito'y dahil walang isang salita ang kausap
matatag, usapang matino pag iyong kaharap
ngunit sila'y agad nagbabago sa isang kurap
palabra de onor ay nawala sa isang iglap

akibat ng palabra de onor ay pagkatao
anumang lumabas sa bibig mo'y panindigan mo
bawat sinasalita'y inilalarawan tayo
maging tapat sa usapan upang walang perwisyo

- gregbituinjr.