Linggo, Abril 19, 2020

Bawal ang halibyong

BAWAL ANG HALIBYONG

bawal ang halibyong o fake news na ipamahagi
kahit sinong balasubas ay di dapat bumali
sa panawagang halibyong o fake news na'y mapawi
pagkat totoong balita ang dapat manatili

birtud sa fake news ng haliparot ba'y balewala?
tagapagtaguyod ba ng halibyong na'y luluha?
pagkat kapangyarihan nila'y tinitirang lubha?
ang reyna halibyong kaya'y tuluyang magwawala?

huwag nating kukunsintihin ang mga halibyong
dahil may toyo ang mga nagpapadala niyon
anong mahihita nila kung di man sila gunggong?
pabanguhin lang ang pangalan ng idolong lulong?

paano babango kung iuulat nila'y mali?
kung di katotohanan, kasinungalingan lagi
upang sa kanilang propaganda, sila'y magwagi?
habang mismong katotohanan ang dinuduhagi?

tama na ang halibyong, lumikha'y nakakasuka
anong intensyon nila't inililigaw ang masa?
kung binabayaran sila rito't nagkakapera
marahil, may pakana'y di matino't palamara

- gregbituinjr.

* HALIBYONG, taal na wikang Filipino, na ibig sabihin ay disinformation o fake news. Pagkukwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari. ~ mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 426

Kung ako'y di na aabot sa susunod na taon

Kung ako'y di na aabot sa susunod na taon

kung ako'y di na aabot sa susunod na taon
hiling ko na lamang ay maging maligaya ngayon
at masayang ginagawa ang sinumpaang layon
na nakikipagpatintero man sa pating doon
ay titiyakin kong di niya ako malalamon

di man madalumat yaring buhay sa Enkantadya
habang sinusuyo ang magandang Sangre Danaya
ay patuloy ako sa misyon ko't pakikibaka
upang kamtin ng masa ang panlipunang hustisya
habang nag-oorganisa pa rin ng api't masa

nais ko pa sanang umabot ng sisenta'y kwatro
na inawit ni John Lennon ngunit nabigo ito
pagkat siya'y pinaslang ng di malaman kung sino
sana nasabing edad na ito'y maabutan ko
na tulad ng bilang ng parisukat ng chess ito

kung sa susunod na taon ako'y di na sumapit
ang luksang parangal ay huwag sanang ipagkait
tulain ang aking tula'y di ako namimilit
ako mang tumutula sa dusa'y namimilipit
salamat kung sa isip ninyo ako'y di nawaglit

- gregbituinjr.

Agogo

AGOGO

marami kaming ang kariktan mo'y pinanonood
paggiling ng iyong katawan ay nakalulugod
sa patay-sinding kabaret nawawala ang pagod
sinasambang diwata sa kagubatan ng lungsod
kariktan mo'y sinisipat sa pagitan ng tuhod

tinadtad mo na ng kolorete ang iyong mukha
di ka na makilala kung talagang sino ka nga
habang kami sa paggiling mo'y napapatunganga
habang iba'y naglalaway, iba'y natutulala
sa pag-inom ng serbesa'y napapa-"isa pa nga"

uuwi din matapos iyon, babalik sa dati
pusikit ang karimlan, mananahimik ang gabi
maliligo't tatanggalin ang laksang kolorete
paggising, bibilangin ang kinita't pamasahe
sa pamilya'y may limang kilong bigas na pambili

ganoon ang buhay, kakahig upang may matuka
sisingilin muli ng kasera't mukhang kawawa
malapit na naman ang gabi, siya'y maghahanda
maglalagay ding muli ng kolorete sa mukha
sa kabaret na iyon, siya ang tinitingala

- gregbituinjr.

Sa panahon ngayon, Estremelenggoles

Sa panahon ngayon, Estremelenggoles

Estremelenggoles, nananalasa na ang salot
Sa panahon ng COVID-19, ang tao'y hilakbot
Takot sa kalabang di makita't saan susulpot
Ramdam ang pangamba sa sakit nitong dinudulot

Ewan ba natin bakit ang mundo'y nagkaganito
Makatang Rio Alma'y tinula na noon ito
Estremelenggoles, pamagat ng tula ni Rio
Laman ng istorya'y salot, COVID ang kapareho

Enactment ba ang kanyang tula sa nangyari ngayon
Nananalasa ang salot at pumatay ng milyon
Gawa'y nag-atas sa lahat ng manggagamot noon
Gumamot, maghanap ng lunas sa salot na iyon

O, anong nangyari? Ang sakit ay di rin nagapi
Lunas ay wala rin, buhay ng milyon ay naputi
Estremelenggoles at biglang nagbigti ang hari
Salot ay nawala, at buong bayan ay nagbunyi!

- gregbituinjr.

* Maraming salamat kay Rio Alma pagkat ang kanyang tulang Estremelenggoles ay kailangan ngayon ng mundo at magandang pamawi ng panglaw na dulot ng COVID-19.

Ang proletaryo

Ang proletaryo

Proletaryo, tunay kayong hukbong mapagpalaya
Rebolusyonaryo para sa uring manggagawa
Organisador ng uri't mapagpalayang diwa
Laban sa mapagsamantala't burgesyang kuhila
Edukador upang bulok na sistema'y mawala
Tungo sa lipunang pagkakapantay ang adhika
Ating pasalamatan ang proletaryong dakila
Ramdam na pag nagkapitbisig kayo'y may paglaya
Yinari ninyo'y dangal at ekonomya ng bansa
O, proletaryo, sa kamay ny'o mundo'y pinagpala

- gregbituinjr.

Ang propitaryo

Ang propitaryo

Propitaryo, profit o tubo'y laging isip nito
Rimarim na uri na yakap ay kapitalismo
O kaya'y pinagpala lang daw sila't may negosyo
Pulos sarili'y nasa isip, di magpakatao
Isip lagi'y paano iisahan ang obrero
Tubo lang umiikot ang puso ng propitaryo
At pag di nila kauri'y hampaslupa ang trato
Ramdam lagi'y nanakawan ang tulad nilang tuso
Yamang sa salapi't tubo ang isip nakasentro
Oo, sila'y balakid sa lipunang makatao

- gregbituinjr.