SA MGA MANGGAGAWA NG MINAHAN
marami na kayong nagtatrabahong manggagawa
minimina ang bundok, ginagalugad ang lupa
upang matagpuan ang mineral na pinagpala
kahit ang kalupaa'y patuloy na lumuluha
pikitmata sa nangyayari dahil sa trabaho
walang pakialam sa kinabukasan ng tao
gumuho man ang bundok, para sa kapitalismo
mabutas man ang lupa, para sa tubo at sweldo
bakit kayo'y manggagawang tila walang magawa
upang kalikasan ay di na tuluyang masira
kasi pag walang trabaho, pamilya nyo'y kawawa
mina ng mina, kalikasan ma'y mapariwara
mga manggagawa kayong dapat organisahin
alang-alang sa pamilya at kalikasan natin
at para sa kinabukasan ng lahing magiting
makiisa na kayo sa pakikibaka namin
lupa't tao'y wasak dahil sa asam nilang tubo
kalikasa'y labis-labis na ang damang siphayo
huwag nang sirain ang bundok at lupang ninuno
pagmina'y itigil sa panig na ito ng mundo
magkaisa lahat ng manggagawa sa minahan
pamilya't kalikasa'y sabay nating alagaan
halina't itindig ang makakalikasang bayan
at sabay na itayo ang makataong lipunan
- gregbituinjr.